MAY indikasyon na nagpa-panic na ang ilang kaalyado ni Sen. Grace Poe na nalalagay sa balag ng alanganin ang kandidatura nito bilang presidente sa 2016 elections.
Ito ay kaugnay ng pagbato ng akusasyon ng mismong kaalyado o tagasuporta ni Poe na umano’y inilalaglag na ni Sen. Chiz Escudero ang kaniyang katambal sa presidential elections.
Binansagan pang “Boy Laglag” si Escudero na ang ibig sabihin ay inabandona na nito si Poe na nauna nang diniskuwalipika ng Comelec.
Pero nakahinga nang maluwag ang kampo ni Poe nang maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema na pansamantalang pumipigil sa desisyon ng Comelec sa pagkansela ng certificate of candidacy dahil sa isyu ng citizenship at residency.
Naging tatak na ang pagiging “Boy Laglag” ni Escudero dahil noong nakaraang 2010 presidential elections ay kanyang sinuportahan si Noynoy Aquino pero inilaglag ang running mate nito na si Mar Roxas at lihim na sinuportahan si Jejomar Binay na nanalong Bise Presidente.
Dahil dito ay masusubok na natin ang kalidad ng pagiging lider ni Poe na dapat ay agad na maresolba ang akusasyon kay Escudero na siyang magiging ugat ng pagkakawatak-watak ng kanilang hanay na maaring magpahina ng puwersa sa kampanya sa eleksiyon.
Kung solido ang samahan ni Poe at Escudero ay wala dapat na lumutang na ganitong mga akusasyon na magpapahina sa kanilang laban.
Dapat ay makontrol ni Poe ang kanyang mga tagasuporta at ito ang isa sa maaring pagbatayan ng katatagan ng pagiging lider ng bansa.
Samantala dahil sa inilabas na tro ng Korte Suprema ay pansamantalang mapapakalma nito ang kampo ni Poe bagamat ang publiko ay maghihintay sa pinal na desisyon ng korte.
Sa kasong ito ni Poe ay tanging ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihan sa magiging kapalaran ni Poe sa 2016 presidential elections.