FLASH Report: May bukas pang color games at drop ball sa peryahan sa Sto. Niño, Tondo, sa Maynila at matatagpuan ito sa harap mismo ng simbahan. Nagtataka tayo kung bakit pumayag ang pari ng Sto. Niño church na magkaroon ng sugal sa naturang lugar eh ilang dipa lamang ang layo nito. Di ba may batas tayo na bawal ang sugal na 50 metro ang layo sa simbahan? Kinokunsinti ng pari at ni Supt. Nick Piñon, hepe ng Station 2 ng MPD ang peryahan ni alyas Al? Totoo kaya ang pagyayabang ni Al na taga-City Hall ang nagbigay ng basbas sa kanila para maglatag ng sugal sa harap mismo ng simbahan? Sa magkanong dahilan kaya? Aba, baka madamay ang reelection bid ni Manila Mayor Erap Estrada sa pagyayabang na ito ni Al ah, ano sa tingin n’yo mga kosa? Napa-aga kaya ang pagpuri natin kay MPD director Chief Supt. Rolando Nana sa pagpasara n’ya ng color games at drop ball ni alyas Marissa?
* * *
May katwirang magsaya sa ngayon si NCRPO chief Dir. Joel Pagdilao bunga sa zero crime noong nakaraang 9-day Simbang Gabi sa Metro Manila. Hindi lang yan! Naging zero din ang casualty figure sa indiscriminate firing of firearms at stray bullet noong Christmas revelry. Sa tagal ko na kasing nagkuber sa NCRPO, ngayon ko lang naranasan na zero crime rate sa Simbang Gabi at zero case din sa indiscriminate firing at stray bullet. Kaya’t kung nakikita n’yo mga kosa na nakangiti si Pagdilao sa ngayon, ‘yan ay dahil sa magandang accomplishment n’ya na dapat lang tularan ng iba pang regional directors sa buong bansa. Kasi kung nagawa ito ni Pagdilao sa Metro Manila, walang dahilan na hindi magawa ‘yan ng iba pang RD sa Luzon, Visayas at Mindanao, di ba mga kosa? Kaya’t kung nakangiti si Pagdilao, siyempre ganun din si PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez. Teka nga pala me pahabol na balita na tinamaan ng ligaw na bala itong si Ronald Paquinto, 21, habang naglilibot sa Luneta Park noong Biyernes na sa tingin ng mga kosa ko ay hindi na kasali sa Christmas revelry. Punyeta! Ano kayang magic formula ni Pagdilao at napatahimik n’ya ang Metro Manila nitong Simbang Gabi at Christmas revelry?
Kung sabagay, hindi lang ang Simbang Gabi at stray bullet at indiscriminate firing ang tinutukan ng mga tauhan ni Pagdilao kundi maging ang pitong klaseng krimen sa Kamaynilaan. Inireport din ni Pagdilao na bumaba ang kriminalidad tulad ng murder at homicide, theft, robbery, motor vehicle theft, motornapping at physical injury nitong unang tatlong linggo ng Disyembre kumpara sa naturang period noong 2014. Itong steady na pagbaba ng kriminalidad sa Metro Manila ay bunga sa maigting na pag-implement ng NCRPO ng Lambat Sibat laban sa mga kriminal at droga. At dahil nasa kulungan na ang halos 880 na personalidad na target ng NCRPO, natural lang na bumaba ang krimen sa Metro Manila, di ba mga kosa? Siyempre, malaking papel din ang ginampanan ng SWAT at mga SRU ng iba’t ibang unit ng NCRPO dahil nasa kalye sila at nagpapatrulya kaya’t nagdadalawang-isip ang mga kriminal bago tumira. Get’s n’yo mga kosa? Punyeta! Bakit ngayon lang naging NCRPO chief itong si Pagdilao? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Siyempre, hindi lang si Pagdilao ang dapat umani ng papuri dahil sa tahimik na Metro Manila nitong Kapaskuhan dahil dapat din nating banggitin ang mga local chief executives, mga opisyal ng barangay, ang komunidad at maging ang media bunga sa suporta nila sa lahat ng proyekto ng NCRPO. Kaya’t nararapat lang na palakpakan natin ang ating kapulisan sa Metro Manila at iba’t iba pang stakeholders dahil hindi nagambala ang kanilang Simbang Gabi at wala ding nasaktan ng stray bullet nitong Christmas revelry. Kaya’t umpisahan mo na ang masigabong na palakpakan kosang Erwin Corpuz! Abangan!