NOONG 2004, natagpuan na 66% ng mga bata edad 1 taon hanggang 6 na taon ay may bulate sa tiyan. Sa mga batang pumapasok na sa eskuwelahan, 54% ang may bulate. Ito’y ayon naman sa pagsusuri ni Dr. Vicente Belizario Jr. noong 2006.
Ang tawag sa impeksyon mula sa bulate ay Soil-transmitted helminthiasis (STH). Sa Pilipinas, ang 3 pangkaraniwang bulate ay ang (1) roundworm o Ascaris lumbricoides (2) whipworm o Trichuris trichiura at (3) hookworm o Necator americanus at Ancylostoma duodenale.
Ang mga bulateng ito (itlog at buhay na bulate) ay puwedeng matagpuan sa dumi ng tao, sa lupa at sa maruming paligid. Kapag ang isang batang may bulate ay dumumi at hindi naghugas ng kamay, puwede niyang maipasa ang bulate sa ibang bata. Kapag naghain siya ng pagkain, puwede itong mapunta sa ating kinakain. Kakaiba naman ang hookworm na puwedeng lumusot sa balat ng tao.
Ang kadalasang sintomas ng batang may bulate ay ang pananakit ng tiyan, anemic o kulang sa dugo at pamamayat. Mayroon ding bata na nagkakamot ng puwit sa gabi dahil sa hookworm.
Kapag hindi nagamot ang bulate, puwede itong magdulot ng malnutrisyon at pagkaapekto sa pag-aaral ng bata. Para malaman kung may bulate ang bata, ipasuri ang kanyang dumi at kumunsulta sa doktor.
Kapag positibo ang bata sa bulate, bibigyan siya ng pampapurga. Ang pangkaraniwang gamot ay mebendazole 500 mg tablet, isang beses lang iniinom.
Dahil napakaraming batang Pilipino ang may bulate, minarapat ng Department of Health na gumawa ng programa para purgahin ang lahat ng bata edad 1 hanggang 12 taon. Ginagawa ito ng DOH kada 6 na buwan o 2 beses sa isang taon. May libreng pampurga sa mga health centers.
Para makaiwas sa pagkakaroon ng bulate sa tiyan, sundin ang mga payong ito:
1. Maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain at pagkagamit ng palikuran.
2. Gupitin ng maikli ang mga kuko ng bata. Madalas natatagpuan ang itlog ng bulate sa ilalim ng kuko ng bata.
3. Panatilihing malinis ang paghahanda ng iyong pagkain. Hugasan ang mga gulay at prutas maigi.
4. Laging magsuot ng sapatos o tsinelas. Ang hookworm ay puwedeng pumasok sa balat ng iyong paa.
5. Gumamit ng palikuran kapag dudumi. I-flush ang kubeta at magsabon ng kamay.
6. Maging malinis sa iyong bahay at kapaligiran.