MULA nang ako ay natutong magsulat, taon-taon akong sumusulat kay Santa Claus upang humingi ng regalo tuwing gabi na bisperas ng Pasko. Alinman sa dalawang bagay ang hinihiling ko kay Santa: Scooter o walking doll. Bakit ang mga iyon ang aking hinihiling? Hindi kayang bilhin ng aking mga magulang ang mga bagay na iyon. Matindi ang aking pana-nalig na maibibigay iyon sa akin ni Santa. Ang aking konsepto tungkol kay Santa ay parang fairy godmother ni Cinderella na maibibigay kahit ang pinakaimposibleng kahilingan.
Excited akong gigising sa araw ng Pasko. Nanlalabo pa ang aking mata sa muta; mamasa-masa pa ang aking bibig sa panis na laway; pero wala akong pakialam; patakbo kong pupuntahan ang kinaroroonan ng aking medyas na nakasabit sa dinding ng bahay…only to find out na walang laman ang aking medyas. Nganga ang beauty ko. Naroon pa rin ang sulat. Ganoon pa rin ang pagkakatiklop. Halatang hindi binasa ni Santa Claus. Natatandaan ko pa ang naramdaman ko noon, ‘yung bigong-bigo na may kahalong kurot sa puso.
Lalo akong naghihinanakit kay Santa kapag nakita kong may laman ang medyas ng aking pinsan na nasa tabi lang ng aking medyas. Ang pamilya ng aking tiya at pamilya ko ay magkasama sa iisang bahay. Bakit ganoon, tanong ko sa aking sarili. Hindi ako niregaluhan ni Santa? Magkasingbait lang naman kami ng aking pinsan. Pero ako na rin ang sumasagot, mahal kasi ang gusto kong regalo. Baka hindi nagbibigay ng mamahaling regalo si Santa. Baka kuripot. Ganoon lang ang iniisip ko para mabilis matanggal ang hinanakit at inis kay Santa.
Magkaganoon pa man ay hindi pa rin ako nadadala na magsabit ng medyas at gumawa ng sulat tuwing Pasko. Naroon pa rin ang pag-asa na ibibigay pa rin ni Santa ang aking kahilingan.
Isang gabi ng bisperas ng Pasko, nahuli kong inilalagay ng aking tiyo ang malaking kotseng laruan sa tapat ng medyas ng aking pinsan. Napangisi ako. Nang inakala kong tulog na ang lahat, pinuntahan ko ang aking medyas at buong panggigigil na hinaklit ko ito mula sa pagkakasabit sa dinding. Nabutas ang medyas. Ginupit-gupit ko at itinapon sa basurahan…kasama ng aking paniwala tungkol kay Santa.