KAHAPON, nagkukumahog sa paghahanap ng mga bote, garapa, plastic, karton, papel at iba pang pakikinabangan sa basurahan ang isang mag-anak sa Maynila. Umaasang maraming makukuhang biyaya sa basurahan para maibenta sa junkshop at nang may maihandang pagkain para sa kanilang Noche Buena. Maraming taon nang umaasa sa biyaya ng basurahan ang mag-anak at ang kanilang hiling tuwing sumasapit ang Pasko, magkaroon na ng pagbabago ang kanilang buhay. Matapos na sana ang kahirapang dinaranas at nang iba pang katulad nilang nakatira sa kariton.
Marami namang biktima ng bagyong Nona sa Northern Samar, Bicol Region, Mimaropa at ilang probinsiya sa Central Luzon ang magdiriwang ng Pasko sa mga evacuation center. Nanalasa ang bagyo noong Disyembre 15 sa mga nabanggit na lugar at nag-iwan ng 35 patay at ari-ariang nasira na umaabot sa P3.91 bilyon.
Sa kabila na marami ang nawalan ng tahanan, marami pa rin ang nakangiti at punumpuno ng pag-asa na malalampasan ang nangyaring trahedya. Pinagpapasalamat nang marami na sa kabila nang malakas na hagupit ng Bagyong Nona, walang namatay sa kanila. Hindi katulad nang nangyaring pananalasa ng Bagyong Yolanda sa Eastern Samar na pumatay nang mahigit 6,000 katao.
Sa kabila na natuklap ang bubong ng mga bahay sa Pinamalayan, Oriental Mindoro, nanatili pa rin silang nakangiti at punumpuno ng pag-asa na maibabalik ang anumang sinira ng bagyo. Ang ilan ay masaya pa ring pinulot ang mga tumalsik na parol at muling isinabit sa kanilang mga bintana na binayo ng bagyo. Mayroong inayos ang nalagas at nabasang Christmas tree at muling nilagyan ng mga palamuti. Hudyat iyon ng pagbangon mula sa pagkakalubog sa putik at baha na dulot ng Bagyong Nona.
Hindi sila susuko at hindi kailanman masisi-raan ng loob kahit dinaanan ng delubyo. Patuloy ang buhay at patuloy ang pagdiriwang kahit na Paskong tuyo.