Gusto mong maging Santa Claus? Mag-aral sa ‘Santa University’
HINDI biro ang trabaho ng isang propesyonal na Santa Claus. Para sa ilan na kumikita sa pagpapanggap na si Santa Claus tuwing Pasko ay higit pa sa pagsusuot ng pula at pekeng balbas ang trabaho ng pagiging Santa Claus kaya naman ang ilan sa kanila ay pumapasok sa isang kakaibang “university” para lalong mahasa ang kanilang mga kakayahan.
Ang unibersidad na ito ay ang “Santa University” sa Colorado na inoorganisa ng kompanyang Noerr Programs taun-taon para sa mga taong gustong matuto kung paano maging isang kapani-paniwalang Santa Claus sa Pasko.
Apat na araw tumatagal ang training na pagdadaanan ng kalahok sa programa at sa panahong iyon ay tuturuan sila ng tamang paraan ng pag-pose sa mga pictures, kung paano umupo habang may kalong na bata, at kung ano ang gagawin kung mag-wish ang bata ng isang bagay na hindi madaling ibigay. Kasama na rin sa training ng mga estudyanteng Santa ang tamang paggamit sa social media para sa kanilang trabaho. Itinuturo rin sa Santa University ang tamang pangangalaga sa kalusugan lalo na sa panahon ng Kapaskuhan kung kailan kaliwa’t kanan ang magiging trabaho ng mga Santa Claus.
Hindi madali makapasok sa Santa University dahil sinasala ng Noerr Programs ang mga aplikante na gustong pumasok. Dumadaan sa puspusang background checks at ilang round ng interviews ang mga aplikante at ang kadalasang napipili ay iyong mga may karanasan na sa pag-arte, sa paggawa ng mga laruan, at iyong mga may kaalaman sa pakikisalamuha sa mga special children. Madalas din na napipili iyong mga may alam na ibang lengguwahe bukod sa English at iyong may mga natural na puting balbas.
Sinisigurado naman ng Noerr Programs na matututo ang mga lalahok sa kanilang programa dahil bahagi ito ng kanilang negosyo. Sa Noerr Programs kasi kumukuha ang 287 shopping malls sa Amerika ng mga Santa Claus tuwing Kapaskuhan kaya sinisigurado nilang dumaan sa matinding pagsasanay ang mga ito.
- Latest