Kapag sumasapit ang ganitong panahon mataas ang bilang ng mga aksidente sa lansangan.
Eh bakit nga ba?
Kasi nga, panahon ito na kung saan kabi-kabila ang dinadaluhang party at kasayahan ng marami nating mga kababayan.
Sa ganitong mga panahon, hindi halos nararamdaman ang hatinggabi sa maraming mga lansangan. Kasi nga ang mga dinadaluhang kasayahan o okasyon ay umaabot ng madaling araw ang pagdiriwang.
Ang siste, sa mga okasyon ito, madalas nandoon ang inuman.
Marami ang nakakalimot at walang kontrol sa pag-inom ng mga nakalalasing na inumin kahit alam nilang may dala silang sasakyan na kanilang mamanehohin sa kanilang pag-uwi.
Yan ang sanhi o dahilan sa maraming aksidente sa daan.
Dahil sa sobrang kalasingan, idagdag pa ang pagkaantok kaya nawawala sa pokus ang pagmamaneho at nasasangkot sa mga aksidente sa daan.
Siguro dapat hanggang gabi o hanggang madaling araw na rin dapat tumutok ang mga awtoridad sa mga lansangan, para mabantayan ang mga nagmamaneho ng lasing at maagapan na sila ay maaksidente o makaaksidente.
Kaya nga lang ang problema yata hanggang sa ngayon, wala pa ring nagagamit na breath analyzer ang mga awtoridad, kaya hindi ma-check ang mga driver na nakainom habang nagmamaneho.
Sana naman ay maging responsable na rin ang ating mga kababayan na kung nakainom eh huwag nang makipagsapalaran na magmaneho para maiwasan ang maraming trahedya sa lansangan.
Sakaling hindi naman kaya ang antok, wag na ring makipagsapalaran na magmaneho, mas makabubuting umidlip na muna o palipasin ang nararamdamang antok.
Sana naman ay huwag na silang maging pasaway para na rin sa kanilang kaligtasan , gayundin sa iba na maaaring madamay sa daan.