MATAPOS magpatupad ng isang mahigpit na patakaran sa pagre-recycle ng basura, nabawasan ng isang maliit na bayan sa Japan ng 80% ang nalilikha nitong basura kaya naman 20% na lang ng kanilang mga basura ang naipapatapon sa mga landfill.
Ipinatupad ng bayan ng Kamikatsu ang mahigpit na programa ng pagre-recycle nang mapansin nila ang mapanirang epekto ng pagsusunog ng basura. Kaya simula noong 2003 ay sinusuri at inilalagay na nila sa karampatang kategorya ang kanilang mga basura matapos hugasan ang mga ito.
Ang pinagkaiba lang ng Kamikatsu ay ang dami ng kanilang kategorya para sa mga basura. Kung sa ibang lugar ay hinahati lamang sa mga biodegradable at non-biodegradable ang kanilang mga itinatapon, ang mga taga-Kamikatsu ay may 34 na kategorya para sa kanilang mga basura.
Aminado naman ang mga residente na hindi madali na pagbukod-bukurin ang kanilang mga basura sa 34 na kategorya lalo na noong unang ipinatupad ang mga mahihigpit na patakaran sa pagre-recycle. Ngunit kalaunan ay naging bahagi na rin ito ng kanilang pang-araw-araw na buhay at nakita din naman nila ang bunga ng pagre-recycle sa sobrang unti ng basurang nalilikha ng kanilang bayan.
Kung ngayon ay 20% lamang ang kanilang itinatapong basura, inaasahan ng mga taga-Kamikatsu na tuluyan nang walang malilikhang basura ang kanilang bayan pagdating ng taong 2020.