10 commandments para malusog ang bata
KUNG may 10 commandments si Moises para sa tamang pamumuhay ng tao, may 10 utos din ang Department of Health para maging malusog ang bata mula edad 0 hanggang 14 na taon.
Alamin natin ito:
1. Sa mga buntis, magpa-pre-natal check up sa isang midwife, nars o doktor. Kahit sabihin pang sanay na kayo sa pagbubuntis, magpacheck pa rin ng regular sa health center o ospital. Hindi natin masabi at baka magkaroon ng komplikasyon.
2. Sa mga bagong panganak, pasusuhin ang sanggol ng gatas ng ina mula pagkasilang hanggang 6 na buwan. Puwedeng ituloy ang breastfeeding hanggang 2 taon.
3. Kumpletuhin ang mga bakuna ni baby sa health center. Ang mga bakunang ito ang panlaban ni baby sa mga sakit tulad ng tigdas, tuberculosis, polio, tetanus, hepatitis B at marami pang iba. Kapag hindi niyo pababakunahan si baby, posibleng tamaan siya ng mga matinding sakit na puwedeng ikamatay. Simpleng bakuna lang ay protektado na si baby.
4. Bigyan ng vitamin A tablets ang mga batang edad 6 na buwan hanggang 5 taon. Gawin ito kada 6 na buwan. Kapag sapat ang Vitamin A ng bata, mababawasan ang tsansa niyang magkasakit ng 23% at mapro-proteksyonan din ang kanyang paningin. Bumisita sa inyong health center para makakuha nito.
5. Purgahin ang mga batang edad 1 taon hanggang 12 taon. Gawin ito 2 beses bawat taon o kada 6 na buwan. Ang pagpupurga ay isang paraan para maalis ang bulate sa tiyan na puwedeng magdulot ng malnutrisyon at kakulangan ng dugo sa katawan. May libreng pampurga sa mga health centers.
6. Turuan ang bata na maghugas ng kamay palagi. Maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain at pagkagamit ng palikuran.
7. Turuan ang bata na gumamit ng palikuran. Ang dumi ng tao ay posibleng may dalang sakit na puwedeng makahawa sa iba.
8. Turuan ang bata na magsipilyo ng 3 beses bawat araw. Napakaraming bata ang may sirang ngipin. Simpleng pagsisipilyo lang ang lunas dito.
9. Payuhan ang bata na masama ang paninigarilyo sa katawan. Alamin kung sino ang barkada ng inyong anak. Bantayan na hindi siya mag-umpisang manigarilyo.
10. Panatilihing malinis ang inyong tahanan at kapaligiran. Turuan natin ang ating mga anak na maging malinis sa katawan para makaiiwas sila sa sakit.
Tandaan: Kung may sintomas ang bata, patingnan siya agad sa doktor para mabigyan ng lunas. Bumisita sa pinakamalapit na health center para sa karagdagang kaalaman.
- Latest