MAARING sa hinaharap ay hindi na kailanganin ang mga manibela sa mga sasakyan dahil naimbento na sa China ang isang bagong klase ng kotse na pinapatakbo gamit lamang ang isip ng taong nakasakay.
Nakagawa ang mga engineer mula sa Tianjin University ng isang teknolohiyang nagagawang basahin ang mga signal sa ating utak at sa pamamagitan ng bagong tuklas na teknolohiya na ito ay magagawa ng isang tao na mapaabante, mapaatras, at maipreno ang kotseng kanyang sinasakyan.
Ayon sa isa sa mga researcher ng proyekto na si Zhang Zhao ay dinebelop nila ang makabagong teknolohiya na ito hindi para maging isang gimik lang dahil para ito sa mga may kapansanan na gustong makapag-maneho ng kotse.
Hindi rin daw dapat mag-alala ang mga tao kung ligtas ba ang kotseng pinapatakbo ng isip lang dahil madali lang itong gamitin ayon sa mga imbentor nito. Hindi kasi kailangang nakapokus ang isip ng kumokontrol sa kotse sa lahat nang oras. Kailangan lang niyang magpokus kung kailangan niyang ibahin ang takbo ng kotse katulad sa mga pagkakataong kailangang lumiko o magpreno ng sasakyan.
Balak ng mga inhinyero mula sa Tianjin University na gamitin ang kanilang teknolohiyang naimbento sa mga driverless cars o ‘yung mga kotseng hindi na kailangang imaneho dahil mag-isa na itong tumatakbo. Ayon sa pinuno ng research team na si Professor Duan Feng ay inaasahan nilang magiging mas ligtas ang mga driverless cars ilalagay sa mga ito ang teknolohiyang kanilang nagawa.
Sa ngayon ay wala pang planong ilagay sa mga kotseng ipinagbebenta sa merkado ang kakaibang teknolohiya na ito na mula sa nasabing unibersidad.