De-latang sariwang hangin mula Canada, mabenta sa China
SIMULA nang ideklara ng pamahalaan sa China ang malalang air pollution sa Beijing, naging mabenta ang produkto ng isang Canadian company na nagbebenta ng sariwang hangin na naka-de lata.
Itinatag ang Vitality Air ng magkaibigang Moses Lam at Troy Praquette noong 2014 at ang hangin na kanilang ipinagbebenta ay kinukuha pa nila mula sa bulubundukin ng Alberta, Canada upang masiguradong sariwa at malinis ito.
Hindi talaga seryoso ang magkaibigan sa pagbebenta ng malinis na hangin at ang intensyon lang talaga nila ay ma-ging isang novelty item ito at maging isang nakakatawang panregalo. Kaya naman nagulat sila nitong mga nakaraang linggo dahil lubhang lumobo ang bilang ng kanilang mga naipagbebenta sa China. Sigurado silang dahil ito sa pagdedeklara ng gobyerno doon ng red alert ukol air pollution na labis na sa ligtas na lebel para sa kalusugan ng tao.
Ayon sa kinatawan ng Vitality Air sa China na si Harrison Wang ay sold out na sa kanilang website ang 500 sa kanilang mga de-latang hangin kaya naman dadamihan pa nila ang isu-supply sa China sa mga darating na linggo. Marami na rin daw ang lumalapit sa kompanya upang maging kanilang distributor sa China.
Nang simulan nina Moses at Troy ang kanilang kompanya ay nasa supot lang ang hangin na kanilang ipinagbebenta at 99 cents lang o katumbas ng P47 ang presyo nito. Ngayon ay nasa lata na ang kanilang ipinagbebenta at umaabot na sa $46 o P2,200 ang presyo nito. May kamahalan ito kahit pa para sa mga residente ng Beijing, kung saan 200 beses itong mas mahal kung ikukumpara sa isang bote ng mineral water.
Masasabing isang krisis na talaga ang malalang hangin sa Beijing dahil hindi na bago ang pagbebenta ng sariwang hangin doon. Noong 2013 ay isang negosyante sa China ang diumano’y kumita ng milyon-milyon matapos siyang makapagbenta ng 10 milyong lata ng sariwang hangin sa loob lamang ng 10 araw.
- Latest