LABING-ISA ang namatay sa pananalasa ng Bagyong Nona. Hinagupit ng bagyo ang Eas-tern Visayas, Bicol, Masbate, Romblon at Mindoro. Kalunus-lunos ang tanawin sa Samar kung saan maraming bahay ang nagiba at nasirang pananim at nag-iwan ng dalawang patay. Dalawa rin ang patay sa Masbate; dalawa sa Catanduanes at dalawa sa Sorsogon. Apat naman ang namatay sa Oriental Mindoro kung saan limang beses nag-landfall ang bagyo at maghapong hinagupit ang mga bayan ng Pinamalayan, Pola, Socorro, Gloria, Bongabon at Baco. Maraming nawasak na bahay at nagtumbahan lahat ang mga poste ng kuryente. Umano’y aabutin ng limang buwan bago magkaroon ng kuryente sa nasabing probinsiya.
Sabi ng mga taga-Pinamalayan, hindi nila inaasahan na ganoon kalakas ang bagyong Nona na tatama sa kanila. Hindi raw kaya nagkamali ng babala sa lakas ng bagyo ang PAGASA habang tumatawid sa kanilamg probinsiya? Bagama’t maraming na-evacuate, marami pa rin ang nanatili sa kani-kanilang mga bahay at doon sila inabutan ng bangis ng bagyo. Ang hiling ng mga taga-Pinamalayan at iba pang bayan sa Or. Mindoro ay ang mabilisang pagtulong sa kanila ng gobyerno para sila makabangon. Lahat daw ng kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay ay natangay ng baha.
Marami naman sa mga biktima ni Nona sa Samay ay nagrereklamo sa mabagal na ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Para raw hindi nakahanda ang DSWD sa pamamahagi ng mga pagkain. Marami raw sa kanila ang hindi natutulungan ng DSWD. Sana raw ay maging mabilis ang DSWD sa pamamahagi ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Nauulit ba ang nangyari nang manalasa ang Yolanda noong 2013 na binatikos ang DSWD at iba pang ahensiya dahil sa kabagalang umaksiyon. Sa kabagalan, naunahan pa ng mga Foreign donor sa pag-aabot ng tulong. Hindi sana ganito ang mangyari sa mga biktima ni Nona.