ISANG 11-taong gulang na batang lalaki mula sa China ang nakapagtala ng bagong world record pagdating sa pagluluksong-lubid. Nagawa kasi niyang makalukso sa lubid ng 108 beses sa loob lamang ng 30 segundo noong ganapin ang kauna-unahang World Inter-School Rope Skipping Championships sa Dubai nito lamang Nobyembre.
Sa sobrang bilis ng pagtalon ng bagong world record holder na si Cen Xiaolin ay hindi na makita ng mga hurado ang kanyang mga binti. Kinailangan pa nilang panoorin ng naka-slow motion ang video ng kanyang pagluluksong-lubid upang mabilang ng tama ang beses ng kanyang mga pagtalon.
Matapos niyang makuha ang world record ng pinakamaraming lukso sa loob ng 30 segundo ay nakuha naman niya ang pangalawa niyang world record sa parehong kompetisyon nang magawa naman niyang lumukso sa lubid ng 548 na beses sa loob lang ng 3 minuto.
Ayon kay Cen, sa eskuwelahan lang niya natutunan ang pagluluksong-lubid. Requirement kasi sa eskuwelahan nila ang pag-eensayo nito ng isa’t kalahating oras araw-araw. Nakatulong din na tinulungan sila sa pagsasanay ng kanilang P.E. teacher na si Lai Xuanzhi na nagsaliksik pa ng mga technique upang mas lalo siyang gumaling sa pagluluksong-lubid.
Nagbunga naman ang puspusang paghahanda ni Cen at ng kanyang mga kamag-aral dahil bukod sa mga world records na nakuha ni Cen ay nakuha naman ng kanilang eskuwelahan ang 27 sa 28 mga medalya sa nasabing kompetisyon sa Dubai.