‘Binabayo ng Bagyo’
SA HAGUPIT, PAGBAYO at pananalasa ng mga bagyo bakit tila sa mga piling lugar lang sila tumatama?
Hindi pa man sila tuluyang nakakabangon at nakakabawi sa mga nawala sa kanila muli na naman silang hahagupitin ng bagyo.
Kabilang ang Bicol, Camarines Sur, Aurora, Leyte at Oriental Mindoro sa mga sinasalanta ng bagyong dumarating sa Pilipinas.
Kung kailan nila iniipon ang kanilang lakas para muling buma-ngon at magsimula sa buhay saka naman sila masasalanta ng bagyo at ang lahat ay kailangan na namang simulan.
Isa ang Leyte sa labis na pininsala ng Bagyong Yolanda noong taong 2013. Napakaraming namatay, nawalan ng bahay at kabuhayan sa tindi ng hagupit nito. Palutang-lutang na lang ang mga bangkay at hanggang ngayon may mga tao pa din ang hindi natatagpuan.
Matagal bago nakabangon ang ating mga kababayan kahit pa maraming bansa ang nagpaabot ng tulong sa atin.
Nitong linggo ang Bagyong Nona naman ang bumisita sa bansa. Ilang libong tao ang agad na inilikas sa Central Luzon. Lalong-lalo na sa lugar na madalas gumuho ang lupa at sa mga nakatira sa tabing dagat.
Sumunod kaagad ang mga tao at kusa nang nagsialis sa kanilang mga tahanan.
Hindi man ito sinlakas ng Bagyong Yolanda, tinatahak naman nito ang mga dinaanan nitong lugar noong 2013.
Sa pananalasa ng bagyong Nona maraming na-stranded. Isa na dito ang mga pasahero ng MRT dahil sa mga binahang riles. May mga flights na din ang kinansela para maiwasan ang anumang aksidente.
Isa ang naiulat na namatay sa Northern Samar sa paghagupit ni Nona. Maraming mga tulay na ang hindi madaanan at nawalan na din ng kuryente ang maraming lugar.
Habang nasa bansa si Nona may papasok na namang bagyo. Siniguro naman ng PAG-ASA na hindi magkakaroon ng “Fujiwara Effect” o yung paghila ng paparating na bagyo sa papaalis na bagyo.
Nangyayari lang ito kung magkalapit ang dalawang bagyo para mahigop ng malakas na bagyo ang mahinang bagyo.
Nagbabadya naman ngayon ang bagyong “Onyok”.
Sa lahat ng bagyong dumating sa ating bansa ito na yata ang may pinakamababang bilang ng mga namatay at casualties. Nagpapatunay ito na ang ating ‘local government’ ay naghanda sa pananalasa nito.
Bagamat madaming pamilya ang nasiraan ng kani-kanilang mga tahanan bawat miyembro naman ng kanilang pamilya ay siguradong ligtas.
Agad silang inilikas sa mas ligtas na lugar. Sana lang ay hindi tayo magkaroon ng ‘wet Christmas’.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest