MARAMI ang natutuwa, marami rin ang nabubuwisit sa mga ‘asukal’ na balita.
Mapa-telebisyon, radyo, dyaryo isama na ang social media, puro basura. Walang saysay ang mga inilulutang na isyu.
Kung hindi gaguhan, lokohan, babuyan, bastusan. Ganito ang eleksyon sa Pilipinas. Parang telenobelang inaabangan na pambansang pampalipas-oras lang.
Ang mga pulitiko naman mapagsamantala rin. Mapa-negatibo man o positibo, sige lang basta may publisidad.
Kanya-kanyang ingay sa harap ng mga kamera at mikropono. Nagpapatalbugan sa kanilang mga wala namang mga katorya-toryang ingay.
Kaya ang nangyayari sa halip na yung plataporma nila ang napag-uusapan na dapat malaman ng taumbayan, natutuon tuloy sa kanilang personalidad.
Para bang ang pulitika nakabase sa kung sino sila, hindi doon sa kanilang mga plano at kung papaano nila mapagsisilbihan ang tao sakaling mahalal at maupo sila sa puwesto.
Hindi pa pormal na nag-uumpisa ang campaign period pero sangkaterba nang pailalim na pangangampanya na puro basura ang naglalabasan sa media.
Ipinapalabas, minamanipula ng mga ‘PR’ group ang isyu para protektahan kung sinumang mga kliyente ang mga nasa likod nila.
Tulad ng hamunang sampalan, suntukan o barilan nina Mar Roxas at Rudy Duterte. Mali yata ang kanilang pinasok. Hello sa mga gustong maging lider, hindi ito showbiz!
Ang media naman, kuntodo sakay din basta may maibalita. Habang ang mga tao naman, nasasarapan, naaaliw, nadadala. Sa halip na maging seryoso, ginagawa nalang din tuloy nilang katatawanan ang eleksyon.
Ito ba ay sasahol pa o matutuldukan na? Ewan!
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.