SIKAT ngayon ang isang kompanya ng langis sa Texas matapos magpaka-Santa Claus ang may-ari nito na nagpamudmud ng limpak-limpak na salapi sa kanyang mga empleyado.
Para kasi ipagdiwang ang isang matagumpay na taon para sa kanyang kompanyang Hilcorp, namigay ng tig-$100,000 (katumbas ng P4.7 milyon) ang may-ari ng kompanya na si Jeff Hildebrand sa bawat isa sa kanyang halos 1,400 na employees.
Pagpasok ng 2015, nangako ang pamunuan ng Hilcorp sa mga empleyado nito na mamimigay ang kompanya ng $100,000 bonus kung pagbubutihin ng mga empleyado ang kanilang trabaho para sa taong ito. Mukhang naging kuntento naman ang pamunuan sa naging trabaho ng mga empleyado kaya tumupad ito sa pangakong pamimigay ng napakalaking Christmas bonus.
Hindi ito ang unang beses na namigay ang Hilcorp ng napakalaking bonus sa lahat ng empleyado nito. Noong 2010, nagawang doblehin ng Hilcorp ang napro-produce nitong langis kaya bilang pagpapasalamat sa mga empleyado ay pinapili ng kompanya ang bawat isa sa mga ito kung gusto nilang makatanggap ng kotseng nagkakahalaga ng $50,000 o cash na $35,000 bilang kanilang bonus.
Dahil sa pagiging galante nito sa mga empleyado ay tatlong sunud-sunod na taon nang nakakasama ang Hilcorp sa listahan ng “100 Best Companies to Work For” ng Fortune magazine simula noong 2013.