Peryahan sa Quiapo na 2 beses ipinasara ni Pagdilao, bukas uli!

FLASH Report: Hindi lang pala sa Baseco compound sa Port Area naka-puwesto ang drop ball at color games ni alyas Marissa kundi marami pang area sa Maynila. Sinabi ng mga kosa ko na may puesto piho ding peryahan si Marissa sa R-10, paglampas lang sa Moriones sa Tondo, na ang front ay bingo subalit may color games at drop ball na hinaharangan ng lona. Maliban ‘yan sa Sto. Niño sa Tondo rin na lulubog-lilitaw dahil sa niluluto pa para maging puwesto piho. Ang puwesto naman ni Marissa sa ilalim ng tulay sa Quezon Blvd., ay nagbukas na din noong Lunes ng gabi na may harang na din na lona. Eh dalawang beses nang ipinasara ni NCRPO chief Dir. Joel Pagdilao ang peryahan ni Marissa sa Quiapo. Ibig bang sabihin nito hindi na sinusunod ng mga kapulisan sa Maynila si Pagdilao? Ano ba ‘yan? Bago magbukas ang puwesto sa Quiapo noong Lunes, nakita pa ng mga kosa ko si Marissa sa harap ng MPD headquarters kung saan inayos n’ya ang weekly “tong’ ng mga lagayan n’ya. Punyeta! Puro pitsa na lang ang pinagkaabalahan ng mga pulis-Maynila sa liderato ni MPD director Chief Supt. Rolando Nana. Anong reputasyon meron si Nana?

***

Nagmahal na ang presyo ng shabu sa Metro Manila at kapaligiran nitong Christmas holidays at ibig sabihin nito kulang ang umiikot na supply. Ayon sa mga kosa ko ang presyo sa ngayon ng shabu ay aabot na sa P18,000 kada bulto o limang gramo na dati nagkahalaga lang ng P6,000. Kung noong sagana pa ang supply ng shabu, ang isang adik ay puwedeng bumili ng tingi o piso (P100) subalit sa ngayon ang pinaka-lowest ay ang P500. Kaya’t apektado na rin ang mga adik dahil wala na ngang mabilhan ng shabu…aba mahal pa ito masyado. Kaya’t ang mga adik sa ngayon ay hilong-talilong dahil nahihirapan silang tustusan ang kanilang mahal na bisyo. At kapag patuloy pa ang ganitong sitwasyon, aba baka bu-maba pa ang krimen sa Metro Manila ngayong Kapaskuhan. Get’s n’yo mga kosa? Kasi nga, imbes na shabu, pagkain na lang ang bibilhin ng mga adik para sa kanilang pamilya at presto….tahimik ang Metro Manila at ang kapaligiran nito. Punyeta! Paano kung itulak sa krimen ang mga adik para me pambili sila ng shabu? Hehehe! Handa ang ating kapulisan d’yan, di ba NCRPO chief Pagdilao Sir?

Siyempre, ang dapat nating papalakpakan sa bagong development na ito ay ang Philippine National Police (PNP), at iba pang government agencies, dahil sa masigasig nilang kampanya laban sa illegal drugs. Ang pangunahing dahilan kung bakit komonti ang supply ng shabu sa kalye ng Metro Manila ay itong sunod-sunod na raid ng NBI at iba pang government agencies sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City kung saan ang mga bigtime-drug dea-lers ay nakakulong. Mukhang tama ang suspetsa ni presidential aspirant Digong Duterte na may lutuan ng shabu sa loob mismo ng NBP. Kasi maging sa kalye, ang usap-usapan ay sa NBP mismo kinukuha ng mga drug pushers ang kanilang supply. Ano ba ‘yan? Siyempre, nakatulong din nang malaki ang programa ni Pagdilao na “One Time Big Time” kung saan ang may tinatawag na shabu tiangge ay sinasalakay at ang mga bigtime pushers ay kinakaladkad sa kulungan. May “Lambat Sibat’ pa kung saan ang limang police districts at 30 police stations ay may kani-kanilang target para itapon sa likod ng karsel. Punyeta! Kaya pala mga ku-ting na lang ang naiwang pusher sa kalye sa ngayon.

Bunga sa konti na ang shabu supply, siyempre naapektuhan din ang negosyo na video karera ng mag-asawang Romy at Gina Gutierrez at Manny Manok sa Maynila, alyas Melchor sa Parañaque City at Buboy Go sa Malabon. Iniinda din ng mga video karera operators ang kawalan ng shabu sa kalye dahil walang adik na naglalaro sa makina nila. Kaya’t tama lang ang puna ng mga kosa ko na kaakibat ng problema ng shabu itong video karera. It take two to tango, ‘ika nga. Dahil panahon ng Kapaskuhan, lugi ang mga video karera operators, lalo na at ang halos lahat ng klaseng tiket ay ibinabato sa kanila. Abangan!

Show comments