ISANG malaking kahihiyan sa larangan ng pulitika ang hamunan ng sampalan nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at dating DILG secretary Mar Roxas.
Ito ay matapos patulan ni Roxas si Duterte na sampalin kapag hindi napatunayan ang mga akusasyon.
Una rito sinabi ni Duterte na isang kathang isip at hindi totoong nagtapos sa Wharton University sa Amerika si Roxas. Ito ay bilang ganti sa akusasyon ni Roxas na hindi totoong maayos ang peace and order sa Davao City.
Dahil dito, naghamunan ng sampalan ang dalawang presidential aspirants na lumitaw na parang mga bata na nag-aaway.
Dapat, parehong sampalin sina Duterte at Roxas para matauhan na ang dapat na pinagdedebatehan nila ay kung papaano maisasalba sa kahirapan ang Pilipinas.
Sa dami ng problema ng mga Pilipino ang dapat pinag-uusapan ng mga kandidato ay kung papaano lulutasin ito sakaling sila ang mahalal na lider.
Inaasahan ng publiko lalo na ng mga botante na ilalatag ng mga kandidato ang kanilang plataporma upang ito ang pagbatayan kung iboboto sila.
Hindi naman isyu kung nakapagtapos si Roxas sa Wharton dahil marami ng mga naging presidente na nagtapos sa mga kilalang unibersidad sa ibayong dagat pero wala rin namang nangyari sa buhay ng mga Pilipino at sa katunayan, nananatiling lugmok sa kahirapan ang bansa.
Ang pinaka-importante, agad ilatag ng mga kandidato ang kapani-paniwalang plataporma at solusyon sa problema ng mga mahihirap. Tutukan ang peace and order sa buong bansa na aakit sa mga dayuhang investors.