MAHIGIT piso ang ibinaba ng gasolina ngayong araw na ito at maaari pa raw bumaba sa mga susunod na linggo. Ngayong buwan na ito, tatlong beses nang nag-rollback ang presyo ng petroleum products. Pero ang nakapagtataka, sa kabila na malaki na ang nababawas sa presyo ng gasoline, diesel at kerosene, ang presyo ng bilihin, pamasahe at pati kuryente ay hindi pa rin nagbabago. Inanunsiyo ng Meralco na magtataas sila ng singil sa buwan na ito. Bakit magtataas pa gayung mababa na nga ang pinagkukunan ng enerhiya? Kung kailan pa lumalamig ang panahon saka magmamahal ng singil sa kuryente.
Nakapagtataka rin naman kung bakit sa kabila nang sunud-sunod na oil price rollback, hindi pa rin gumagalaw ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang presyo ng bigas, asukal, mantika, sardinas at iba pang bilihin ay parehas pa rin noon. Ilang rollback na pero walang pagbabago. Kawawa naman ang kakarampot ang kinikita sapagkat hindi nararamdaman ang epekto ng pagbabawas ng presyo ng petroleum products.
Maski ang pamasahe sa dyipni at bus ay hindi rin nagbabago. Kawawa naman ang mga pasahero na malaglagan lamang ng piso ay maaaring hindi na makakauwi.
Ginagawa ba ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang trabaho? Sila ang nararapat na manguna sa pag-usisa para makasunod sa presyo ang mga pangunahing bilihin. Kapag hindi sila kumilos tataas muli ang presyo ng petroleum products at wala namang aasahan ang kawawang mamamayan. Laging maiiwanan ang presyo ng mga pangunahing bilihin at kawawa ang mga isang kahig, isang tuka.
Kumilos naman sana ang DTI sa pagkakataong ito.