Tila wala na talagang kinatatakutan maging ang mga kabataan na nasasangkot sa ibat-ibang modus.
Bihasa na ang karamihan na sinasanay ng mga sinasamahan nilang grupo ng sindikato katulad na lang ng ‘baklas side mirror’ na madalas na mangyari sa lungsod Quezon.
Ang siste pa rito, mga kabataan ang siyang pinatitira ng mga side mirror ng sasakyan nakaparada sa harapan lamang ng bahay ng mga may-ari.
Kamakailan lamang umatake ang mga binatilyong ‘baklas side mirror’. Kitang kita sa CCTV kung paano kabilis na nabaklas ng mga totoy ang side mirror ng dalawang sasakyan sa may Scout area.
Aba’y walang kahirap-hirap, alam na alam kung paano ang style ng pagbaklas. Walang takot ang mga ito na tila walang nangyari naglakad lang palayo.
Ayon nga sa pulisya, ang mga kabataang ito, ay pinaniniwalaang sinanay na ng grupo ng sindikato.
Pinasadahan ang dalawang sasakyan sa iisang lugar.
Dahil nga sa tumitinding operasyon ng baklas side mirror, nag-operate ang pulisya kung saan natuklasan din na sangkaterbang side mirror ang ibinebenta sa ilang lugar sa Banawe na napag-alamang walang maipakitang mga dokumento kung saan ito nabili.
Hindi lang pala ang operasyon ng mga miyembro ng ‘baklas side mirror’ ang dapat na matutukan dito, kundi maging ang mga bumibili ng mga kinukulimbat ng mga kawatan.
Katwiran naman ng mga negosyante na hindi nila alam kung ito ay nakaw, kaya nga ang marapat eh suriin muna nilang mabuti o magsiyasat para hindi madamay sa operasyong ito ng mga kawatan.
Malaking hamon din ang mahigpit na pagbabantay hindi lang ng pulisya kundi maging ng mga opisyal sa barangay.