NAPAPANSIN n’yo bang maputla ang inyong anak? Madali ba siyang mapagod at mahihiluhin? Ito ang karaniwang mga sintoma ng anemia. Ang anemia ay dahil sa kakulangan ng normal na red blood cells (RBCs) sa ating dugo. Kung kakaunti ang red cells, kakaunti rin ang taglay na hemoglobin ng ating katawan. Mahalaga ang hemoglobin sapagkat taglay nito ang oxygen na sadyang kailangan ng mga selula ng ating katawan.
Madalas nating marinig na ang mga pagkain natin ay “rich with Iron” o kaya ay “fortified with Iron”. Pati mga bitaminang iniinom natin ay may taglay na Iron. Bakit mahalaga ang Iron? Ito kasi ang nagpapapula ng kulay ng dugo. Kung kakaunti ang Iron na nakakapasok sa katawan, hindi matingkad ang kulay ng ating dugo. Kulang ang tinatawag na Iron sa ating katawan kapag may anemia.
Bakit nga ba tayo nagkakaroon ng anemia? Heto ang karaniwang sanhi:
Kulang ang nililikhang Red Blood Cells sa utak ng ating buto (bone marrow).
Kulang ang Iron sa ating pagkain.
May alagang bulate sa tiyan.
Buntis. Inuubos ng lumalaking baby sa tiyan ang lahat ng Iron ng nanay. Pinaiinom ng Iron tablets ang mga nanay para sa kanilang sarili, hindi para sa sanggol sa tiyan.
Mga sakit na gaya ng leukemia, sickle cell anemia, at thalassemia
Matinding pagdurugo. Kahit anong bleeding, kasama na ang malakas na menstruation.
Impeksyon
Hindi dapat balewalain ang anemia. Maaring sintoma ito ng isang grabeng sakit. Heto ang mga sintoma ng anemia:
Mapapansin na maputla ang inyong balat lalo na sa mga dulo ng daliri, kuko, labi, paligid ng mata, at dila.
Pakiramdam na hapo at madaling manghina.
Kinakapos sa paghinga kapag may aktibidad.
Madalas mahilo.
Mabilis ang pulso.
Kung ang mga sintomang ito ay nasa inyo na o sa inyong anak, makabubuting magtungo agad sa doctor. Hindi simpleng bagay ang anemia. Gaya nga ng sabi ko, puwedeng leukemia o iba pang matinding karamdaman ang sanhi nito. Huwag umasa sa mga home remedies. Kailangang maimbestigahan kung saan nanggagaling ang anemia.
Kukuha ang doktor ng sampol ng iyong dugo para maeksamin sa laboratoryo (Complete Blood Count o CBC). Kung ang anemia ay dahil lamang sa kakulangan ng Iron, bibigyan kayo ng doctor ng Iron tablets o kaya ay papayuhan kayong kumain ng pagkaing mayaman sa Iron.
Kung may depekto ang hemoglobin ng bata (gaya ng kaso ng thalassemia), kakailanganin niya ng habambuhay na gamutan o kaya ay pagsasalin ng dugo.
Tiyakin na balanse ang ating kinakain. Ilan sa mga pagkaing mayaman sa Iron ay ang atay, pula ng itlog, mani, at mga mabeberdeng gulay at talbos. Nakatutulong din ang Vitamin C upang lalo pang sipsipin ng ating katawan ang sustansiyang dala ng Iron. Magandang kombinasyon kung isasabay natin sa pagkain ng itlog ang pag-inom ng orange juice.