‘Plataporma, ‘di personalidad’

TAMA ang sinasabi at paulit-ulit na pinagdidiinan ng administrasyon hinggil sa dapat maging batayan ng tao sa pagboto.

Plataporma at hindi personalidad dapat ang maging batayan sa pagpili ng susunod na mamumuno.

Kahit na ako, pabor at sasang-ayon sa sinasabi nilang ito. Palibhasa’y sikat na o kilala lang plastik o hindi nila totoong mundo dapat iluklok na sa pwesto.

Subalit, may isang tanong na dapat ding isaalang-alang, ito ay kung sino ang nagsasalita o nasa likod ng isinusulong na plataporma.

Baka maganda nga ang plataporma o mga inihahanay na programa sa bansa sakaling manalo siya sa pwesto pero saksakan naman ng trapo.

Ugaling trapo at estilong trapo na puro pagpapakitang-tao lang sa publiko. Kung susuriin at talagang aanalisahin ang kaniyang personahe, walang alam mamuno at walang katangian ng pagiging lider.

Kung hindi on-the-job trainee o hilaw na mataas ang ambisyon, punong-puno ng karanasan pero saksakan naman ng tiwali.

Bukod sa wala nang ginagawa at puro lang salita walang makita at maramdamang resulta at kinahinatnan ng gawa.

Puro lang pagpapapogi sa harap ng mikropono at kamera. Gusto laging bida para may publisidad at hindi masabing wala siyang silbi.

Ganito ang mga trapo o mga tradisyunal na lider kung saan bwisit at nananawa na ang tao.

Gusto na ng taumbayan ng bagong mukha. Sariwang dugo. Bagong mamumuno na gumagawa, may dedikasyon, kakayahan at dunong para mamuno.

Inuulit ko, tama ang paulit-ulit na sinasabi ng Palasyo sa pamamagitan ni Palace Spokesperson Sec. Edwin Lacierda na sa pagpili ng mga iboboto dapat tingnan ang plataporma hindi ang personalidad.

Ang problema, malinis ba ang integridad ng nasa likod ng plataporma?

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.

Show comments