KAMAKAILAN lang, natagpuan malapit sa baybayin ng Colombia ang kayamanan mula sa isang barkong lumubog daang taon na ang nakararaan. Importante ang pagkakadiskubre sa kayamanan dahil nasa tatlong dekada na ang ginagawang paghahanap dito at tinatayang aabot sa $17 bilyon ang halaga ng mga ginto at alahas na matatagpuan sa loob ng barko.
Natagpuan ang lumubog na barko malapit sa isla ng Baru noong Nobyembre 27 ng isang grupo na pinangungunahan ng Colombian Institute of Anthropology and History. Natagpuan ng grupo ang lumubog na barko sa lalim ng 800 talampakan at nakumpirma nilang ito ang barkong San Jose na matagal na nilang hinahanap.
Ang San Jose ay isang Spanish galleon na pinalubog ng British ships noong 1708. May sakay itong 600 katao at may kargang mga baul ng mamahaling bato at tone-toneladang pilak at ginto nang abutan ng mga barkong pandigma ng Britanya. Tuluyang lumubog ang barko at hindi na ito natagpuan.
Ngayong natagpuan na ang lumubog na San Jose ay magiging masalimuot naman ang pagpapasya ukol sa kung kanino dapat mapupunta ang kayamanan dahil may isa pang grupo na nag-aangkin sa pagkakadiskubre ng lumubog na barko.
Ayon sa Sea Search Armada, isang Amerikanong kompanyang naghahanap ng mga lumubog na barko, ay sila ang nakahanap sa lokasyon kung saan lumubog ang barko noon pang 1980s at nakisakay na lamang ang gobyerno sa kanilang pagkakatuklas. Hindi naman sang-ayon dito ang gobyerno ng Colombia at para sa kanila ay sa estado ng Colombia dapat mapunta ang kayamanan.
Plano namang gumawa ng mga kinauukulan sa Colombia ng isang museo kung saan ilalagay ang mga kayamanang matatagpuan sa lumubog na barko.