P50 dahilan ng trapik sa Magsaysay Blvd.
BALIK sa dating gawi ang mga tricycle drivers sa kahabaan ng R. Magsaysay Blvd., sa may kanto ng Altura St. sa Sta. Mesa, mga ilang metro ang layo sa bahay ni Manila Mayor Erap Estrada. Kapag may dumarating na pampasehrong jeepney galing sa Cubao, Pasig at sa kung saan pa man na patungong Quiapo, Divisoria at iba pang destinasyon, inuukopa ng mga tricycle drivers ang lansangan at idinuduldol ang kanilang sasakyan sa puwetan ng mga dyipni. Siyempre, naiirita ang mga pasahero dahil hindi sila makababa ng sasakyan bunga sa naharangan ng tricycle ang kanilang daraanan, di ba mga kosa? Ang ganitong sistema kasi ng mga tricycle driver’s ay nagdulot ng heavy traffic sa naturang lugar. Ang style kasi ng mga tricycle driver ay nag-aabang sila sa gilid ng Magsaysay Blvd., at kapag may dumating na pampasaherong jeepney ay nag-uunahan silang sundan ito sa suspetsang me bababang pasahero. Kadalasan, hindi naman sumasakay sa kanila ang mga bumababang pasahero kaya’t dahil nagkumpulan sila sa Magsaysay Blvd., sobrang trapik ang dulot nito, di ba mga kosa? Punyeta! Kailangan pa bang may magbuwis ng buhay bago kumilos itong sina Mayor Erap at MPD director Chief Supt. Rolando Nana para maayos ang problemang ito? Anong sey n’yo mga kosa?
Nahinto pansamantala ang ganitong sistema noong magpatayo ng police precinct ang MPD Station 4 sa ilalim ng flyover sa kanto ng Altura St., at Magsaysay Blvd., nitong nagdaang mga buwan. Siyempre, natuwa ang mga residente ng mga kalyeng Buenos Aires, Vigan, West Vigan, Pelaez, Domingo Santiago at iba pa dahil malinis ang kahabaan ng Magsaysay Blvd. Pinagbawalan kasi ng mga pulis presinto ang mga tricycle na pumasok sa Magsaysay Blvd. Naglagay pa ang mga pulis doon ng karatula sa gilid ng presinto na nagsasabing: “Babala!!!! Sa lahat ng tricycle driver, bawal na ang kumaliwa at sumalubong sa mga pasaheros sa Magsaysay Blvd.” Sa biglang tingin, nagtatrabaho ang mga pulis sa naturang presinto. Subalit props lang pala ang babala nila. ‘Ika nga kapag may sumita sa kanila sa City Hall o maging sa opisina man ni Nana ay puede nilang idahilan na hindi naman sila nagkulang dahil may babala sila sa mga tricycle drivers. Subalit sa ngayon mga kosa, hindi pinapansin ng mga tricycle drivers ang babala ng mga pulis at andun na naman sila sa gitna ng Magsaysay Blvd. Sa magkanong dahilan? Ang pagyayabang ng mga tiwaling tricycle drivers ay P50 kada araw ang hatag nila sa mga pulis sa presinto. Punyeta! Bakit puro pitsa na lang ang lakad ng mga pulis sa Maynila sa liderato ni Gen. Nana?
Dahil sa P50 na lagay, tumapang ang mga tricycle driver’s at inukopa na ang bahagi na yaon ng Magsaysay Blvd. Kahit me nakatayong pulis sa harap ng presinto, hindi nito sinasaway ang mga tricycle drivers na lumalabag sa kanilang babala. Ang siste, negatibo ang mga komento ng mga residente sa mga pulis. Ano ba ‘yan? Wala din palang binesa itong mga pulis nina Erap at Gen. Nana. Punyeta! Imbes na public service, bulsa service ang inuuna nitong mga pulis sa presinto sa Altura St., di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan para makakalibre ng agahan, tanghalian at hapunan, di ba mga kosa?
Para sa kaalaman nina Erap at Nana, may tatlong pila ng tricycle malapit sa presinto. Ang isa ay nasa Altura St., na sakop ni Chairman Danilo Espino ng Bgy.581 at sa Buenos Aires at Altura St., din sa sakop naman ni Chairman Lourdes Lantican. Ilang hakbang lang ng mga pasahero galing sa Magsaysay Blvd. at makasakay na sila ng tricycle. Tamad lang kayang maglakad at mag-exercise ang mga pasahero kaya’t ang mga kolorum na tricycle sila sumasakay? Kung sabagay, maging ang pila sa tatlong lugar ay hindi din maayos kaya’t sobra trapik na din sa kanto ng Buenos Aires at Altura Sts., lalo na kapag labasan ng mga estudyante sa Burgos Elem. School at sa Maceda Integrated School. Punyeta! Sana kapag umaksiyon na ang mga pulis sa presinto ay permanente na at hindi ‘yaong kapag lumamig na ang isyu ay balik Magsaysay Blvd. na naman ang mga tricycle drivers. Paging Mayor Erap at Gen. Nana. Abangan!
- Latest