Wagi ang reputasyon ni Col. Calanoga, bow!
FLASH Report: Para makaiwas sa ngitngit in Manila Mayor Erap Estrada, pinalitan ni video karera financier alyas Manny Manok ang kulay ng mga makina n’ya ng violet. Dati ang kulay ng makina ni Manny Manok ay orange, ang paboritong kulay ni Erap kaya palaging nababanggit si Mayor kapag video karera ang pinag-uusapan. Subalit nanatili ang sticker ni Manny Manok na isda. Naglipana ang mga makina ni Manny Manok sa buong Maynila, lalo na sa Manuguit, Tondo at sa sakop ng Station 7 ng MPD kung saan nakopo niya ang lagayan at ang mag-asawang Romy at Gina Gutierrez ay hindi makapaglatag. Kapag nahulihan ng makina ni Manny Manok ang binabanggit na pangalan ng mga bataan niya ay kay Berting L. Hindi Berting Labra na pumanaw na ha, mga kosa? Aarukin ng mga kosa ko kung sino talaga itong si alyas Manny Manok dahil malakas ang kutob nila na isa itong pulis. Kahit anong bulgar ko pa rito sa mga makina ni alyas Manny Manok hindi kumikilos si MPD director Chief Supt. Rolando Nana sa pangambang mabawasan ang P500,000 weekly take home pay niya, hindi lang sa pasugalan kundi maging sa iba pang ilegal.
* * *
Sumuko na si Mrs. Roa, ang financier ng peryahan sa Bgy. Parang sa Marikina dahil sa hindi niya nakayanan ang reputasyon ni Sr. Supt. Vincent Calanoga, ang hepe ng local na pulisya. Hanggang sa ngayon kasi, walang makuhang padrino si Mrs. Roa at ang bata niya na si alyas Adrian para mapabuksan ang sugal na drop ball at color games sa peryahan niya. Kung sinu-sino na kasi ang nilapitan nina Mrs. Roa at Adrian, na nag-o-offer pa ng reward money, para lang mapabuksan ang ilegal nila subalit talagang pinangatawanan ni Calanoga ang desisyon niya. Ayaw kasi ni Calanoga na pabuksan ang drop ball at color games dahil maaapektuhan ang reputasyon niya na matagal niyang iniingatan. Kaya hindi lang sina Mrs. Roa at Adrian ang gutom sa ngayong Pasko kundi maging ang mga operating units ng PNP, NBI, GAB, barangay at city government dahil nawalan sila ng palabigasan, di ba mga kosa? Ang balita sa ngayon, taas na ang dalawang kamay nina Mrs. Roa at Adrian sa reputasyon ni Calanoga. Bawi na lang sila sa susunod na taon, di ba mga kosa? Punyeta! Dapat na talagang matuldukan ang color games at drop ball sa mga peryahan! Hehehe! Sana yumabong ang lahi ni Calanoga sa PNP.
Subalit habang iniingatan ni Calanoga ang reputasyon n’ya, inaanay naman ito ng kapatid n’ya na si PO3 Vergilio Calanoga, alyas Django. Si PO3 Calanoga kasi mga kosa ay naka-assign sa intelligence at illegal drugs ng Marikina police at nag-iikot sa mga may palaro ng video karera, lotteng, bookies ng karera at jueteng para ikuha ang kapatid ng lingguhang intelihensiya. Kaya dapat sibakin ni Col. Calanoga ang kapatid niya para hindi siya maakusahan na doble kara pagdating sa pasugalan, di ba mga kosa. Kasi nga, ano ba ang pinagkaiba ng pitsang galing sa drop ball at color games kumpara sa pitsang galing sa video karera, lotteng, jueteng at bookies ng karera? Di ba parehas lang sila na dirty money, di ba mga kosa? Punyeta! Color blind kaya si Col. Calanoga?
Kaya ang mga may gusto talaga ng pitsa ay kumikilos para masibak si Col. Calanoga sa puwesto at ginagamit nila ang isyu nitong sagupaan nina DZRH reporter Edmar Estabillo at PO3 Manuel Laison. Subalit nasa likod ni Calanoga ay si Mayor Del de Guzman na saludo sa kasipagan niya, hindi sa pagkolekta ng lingguhang tong, kundi sa paglaban sa droga at kriminalidad. May kumpiyansa si De Guzman sa liderato ni Col. Calanoga at ayaw nitong palitan siya dahil lamang sa konting sigalot sa kaso nina Estabillo at Laison. Kaya habang nakasentro ang attention sa ngayon ng mga kosa ko rito kay Calanoga, matiwasay namang umiikot si PO3 Calanoga para may pang-gastos sila sa Christmas Party ng Marikina police. Abangan!
- Latest