MAY mga alegasyong kalaban lang daw sa pulitika ni Senator Grace Poe ang nagsulong ng kaliwa’t kanang kaso na kumukuwestiyon sa kanyang citizenship at residency na pangunahing kuwalipikasyon sa kandidatong presidente ng bansa.
Ang tinutumbok na nasa likod umano ng mga kaso ay ang kampo umano ng administration party candidate na si Mar Roxas ng Liberal Party.
Ikinokonek ang petitoner na si Atty. Star Elamparo sa isang law firm na malapit sa tagasuporta ni Roxas na si dating Defense Secretary Avelino Cruz.
Pero anuman ang motibo sa pagsusulong ng diskuwalipikasyon kay Poe ay hindi na mahalaga.
Ang pinaka-importanteng aspeto rito ay kung totoo bang hindi naabot ng senadora ang pangunahing kuwalipikasyon ng isang presidential candidate na nakasaad sa Konstitusyon.
Kahit sino pa ang nagsulong o nagpetisyon nito ay kung wala namang basehan at hindi totoo ang alegasyon ay walang magagawa ang mga kalaban sa pulitika ni Poe.
Nandiyan na ang kaso at nakahain na sa Comelec at maaring umabot pa sa Korte Suprema ay marapat lang na ipaliwanag na lamang ni Poe ang kanyang panig at magsumite ng mga nararapat na dokumento.
Kung mapapatunayan kasi ni Poe na mali ang lahat ng mga akusasyon sa kaniya ay mapapahiya mismo ang mga petitioner at ang simpatya ng publiko ay mababaling sa senador at ito ang magiging daan upang lalo pa itong maging popular at maaring manalo sa 2016 presidential elections.
Sa ngayon ay nadiskuwalipika na si Poe sa second division ng Comelec at abangan kung ito ay sasang-ayunan ng Comelec en banc o ng kabuuang komisyon at maging ng Korte Suprema upang matapos na ang balakid sa pagkandidato ng senador.
Umaasa ang publiko na magiging mabilis ang Comelec at ang Korte Suprema sa pag-aksiyon at pagdesisyon sa kaso bago pa man maimprenta ang mga balota upang malaman kung dapat pa bang isama
o hindi na ang pangalan ni Poe sa balota ng mga kandidatong presidente ng bansa.