NOONG Biyernes at kahapon (Sabado), grabeng trapik na naman ang naranasan sa maraming bahagi ng Metro Manila. Ang mga galing Quezon City at patungo ng Maynila ay inabot ng tatlong oras. Usad-pagong ang mga sasakyan. Sabagay, kailan ba lumuwag ang trapik? Nagluluwag lamang ito kapag Huwebes at Biyernes Santo. Ang EDSA na pinamamahalaan ngayon ng Highway Patrol Group (HPG) ay wala ring pinagbago. Lumuwag lang sandali noong unang mangasiwa ang HPG pero ngayon ay sumikip na naman. Inaasahan pang sisikip ngayong papalapit na ang Pasko at Bagong Taon.
At habang patindi nang patindi ang trapik tila nanghihina o tumatamlay na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa paglinis sa mga sagabal sa kalsada. Pero sabi ng MMDA, hindi raw sila tumitigil para mapaluwag ang trapik. Hindi raw sila titigil hanggat hindi nawawalis ang mga sasak-yang nakaparada sa gilid ng kalsada na nagdudulot nang grabeng pagsisikip ng trapiko. Determinado umano sila at hindi natatakot kahit isang kasamahan nila ang binaril ng sekyu nang magkaroon ng clearing operations noong nakaraang buwan. Isa sa mga tinamaan ng operation ay ang motorsiklo ng sekyu na nakaparada sa tapat ng bankong binabantayan.
Lahat daw nang nakakasikip ay kanilang gigibain maski na mga tindahan o karinderya na nasa gitna na ng kalye. Kaya raw may pagsisikip ay dahil sa mga nakaharang na ito. Lagi raw nilang babantayan ang mga nilinis nilang kalsada kaya hindi na makakabalik ang mga pasaway. Tuluy-tuloy na umano ito.
Sana, mapanatili ng MMDA sa tulong ng Highway Patrol Group (HPG) ang kampanya na maalis ang mga sagabal sa kalsada. Kung determinado ang MMDA sa kampanya, dapat pati ang mga basketbolan na nasa gitna ng kalye ay wasakin na rin nila. Pati na rin ang mga may negosyong car wash na halos okupahin na ang buong kalsada. Lahat nang mga sagabal ay alisin at huwag tantanan hanggang lumuwag ang trapiko.