MASASABING isang late-bloomer ang 38 taong gulang na si Liu Xuedong pagdating sa pagpili ng kanyang gustong gawin sa buhay. Hindi kasi siya masaya sa kanyang trabaho bilang isang security guard sa Jilin, China kaya naisipan niyang turuan ang kanyang sarili ng isang kakaibang paraan ng paggawa ng sining.
Una niyang nakita ang paraan ng paggawa ng larawan mula sa mga toothpick sa mga video na napapanood niya sa Internet at mula sa kanyang mga panonood ay natuto siyang gumawa ng mga kumplikadong larawan mula sa mga toothpick.
Gumastos si Liu ng 2,000 yuan (katumbas ng halos P15,000) para bumili ng 500,000 piraso ng toothpick para sa kanyang kauna-unahang obra. Matapos ang tatlong buwan ng panonood ng mga videos at pagsasanay ay nagawang makumpleto ni Liu ang isang 3D na larawan ng isang kabayong tumatakbo.
Tatlong metro ang haba at isang metro ang lapad ng la-rawang ginawa ni Liu at umabot ng 170 kilo ang bigat nito.
Sa kabila ng kanyang nagawang obra ay hindi naman nagmamalaki si Liu sa kanyang kakayahan bilang isang alagad ng sining. Para sa kanya ay wala talaga siyang talento sa paglikha ng sining at ginawa lamang niya ang larawan upang mapatunayan sa kanyang sarili na may kakayahan siyang gumawa ng isang bagay na may kabuluhan sa kabila ng kakulangan niya ng pormal na pagsasanay.