KAPAG na-diagnose na may diabetes ang isang tao, magsisimula na ang gamutan at pagkontrol sa kaniyang blood sugar level. Mahalagang maipaunawa sa isang diabetic ang regular na pag-inom ng maintenance drug para rito (mga gamot na klasipikadong metformin o gliclamide o glipizide). Hindi ngunit naging normal na ulit ang lebel ng blood sugar ay ihihinto na natin ang pag-inom ng gamot kontra-diabetis. May kasabihan nga tayong, “once a diabetic, always a diabetic.”
Kakailanganin din ang tulong ng ehersisyo, pagmamantina ng ideyal na timbang, at tamang diet para makontrol ang mataas na level ng blood sugar. Kung hahayaan lamang natin na laging mataas ang blood sugar level at hindi natin ito mamantinahin sa normal, makapapasok ang mga kumplikasyong dala ng diabetes gaya ng pagkabulag, pagkasira ng bato (kidney), pagkaputol ng paa (dulot ng gangrene), pamamanhid ng mga ugat, impotency (ayaw nang tayuan ng ari), stroke, at iba pa.
Kung mas matagal ang panahon na mataas ang blood sugar level, mas tumataas din ang panganib nang pagkakaroon ng komplikasyon. Hindi basehan kung ano ang edad mo o kung gaano na katagal ang taglay mong diabetes. Ang tanong ay kung nakontrol ba ng tama ang iyong diabetis? O sakaling hindi man, gaano na katagal na wala sa tamang control ang iyong diabetis.
Halimbawa, kahit edad 45 o 50 ka lamang pero hinayaan mo lamang na hindi nagagamot ang iyong diabetis sa loob ng 10 taon (ibig sabihin, laging mataas ang blood sugar level), posibleng mas mataas pa ang panganib mo sa komplikasyong dala ng diabetes kumpara sa isang taong edad 70-80 pero kontrolado naman ang kanyang blood sugar level sa nagdaang 20 taon. Wala sa edad. Wala sa bilang ng taon na mayroon ka ng taglay na diabetes. Nasa control ito ng level ng blood sugar.
Pero sinasabing habang nagkakaedad tayo, mas tumataas din ang panganib nang pagkakaroon ng kumplikasyong dala ng diabetes. Hindi po ako nananakot, pero ang paboritong bahagi ng katawan na gustong sirain ng diabetes ay ang ating mga mata at bato (kidney) kaya marami ang nabubulag at nangangailangan ng “dialysis” (at kalaunan ay kidney transplant).
Maaaring marami sa inyo ay ngayon pa lang na-diagnose na may diabetis na kayo. Huwag masira ang loob o mawalan ng pag-asa. Kung hangga’t maaga ay kinontrol na ninyo ang inyong blood sugar level, makasisiguro kayong maliit lamang ang panganib na magkaroon kayo ng matinding kumplikasyon. Iyan ang magandang balita. Bawat hakbang tungo sa pagkakaroon ng normal na blood sugar level ay magdudulot ng magandang pakinabang sa ating pangkabuuang kalusugan.
Kasabay nang pagpapasuri ng “fasting blood sugar” ay ang pag-alam sa level ng tinatawag nating glycosylated hemoglobin (o mas kilala nating “hbA1c”) kada ikatlong buwan. Nalalaman kasi ng test na ito ang totoong kalagayan ng ating blood sugar sa nagdaang 3 buwan. Huwag panghinayangan sumuong dito kada ikatlong buwan. Sinasabing less than 7 dapat ang lumabas na resulta ng level ng inyong hbA1c para masabing kontrolado nga ang inyong diabetes.