HINDI nagpatalo sa isang ahas ang isang taong gulang na sanggol sa Brazil matapos niyang kagatin ito bago pa man siya matuklaw ng makamandag na hayop.
Naglalaro ang 17-buwang si Lorenzo kasama ang alagang aso ng kanyang pamilya sa bakuran ng kanilang bahay sa Mostardas, Rio Grande do Sul nang makatagpo niya ang isang pit viper. Kasulukuyan noong nasa kusina ang kanyang ina na si Jaine Ferreira Figueira na nakarinig ng ingay mula sa bakuran kung saan naglalaro ang kanyang anak.
Pinuntahan ni Jaine ang anak upang malaman ang dahilan ng ingay at laking gulat niya nang makita niya ang kanyang sanggol na may kagat-kagat na ahas at naliligo sa dugo. Agad namang humingi ng saklolo si Jaine sa kanyang asawa at agad nilang dinala ang kanilang anak sa Sao Luiz Hospital habang bitbit ang patay nang ahas na inilagay nila sa isang garapon. Dinala nila ang ahas upang masuri ito ng mga doktor at upang malaman kung anong klaseng pangontra sa lason ang kakailanganin kung sakaling natuklaw ang kanilang anak.
Kaya naman hangang-hanga ang lahat nang malaman nilang hindi pala nagawang matuklaw ng ahas si Lorenzo. Walang kahit anong marka ng kagat ang bata at wala rin kahit anong palantandaan na may lason sa loob ng kanyang katawan nang siya ay suriin ng mga doktor. Noong una ay inakala nilang ang alagang aso ang nakapatay sa ahas ngunit nang suriin nila ito ay napag-alaman nilang si Lorenzo nga ang kumagat dito.
Ayon sa mga sumuri sa ahas ay hindi na nito nagawang matuklaw si Lorenzo dahil sa ulo pala ito kinagat ng bata kaya hindi na nito nagawa pang makagalaw at makaganti ng tuklaw.
Matagal nang teorya ng mga siyentista kung natural ba sa mga tao ang pagkakaroon ng takot sa mga ahas. Ang nangyari kay Lorenzo ang masasabing kumpirmasyon ng teorya na ito dahil sa halip na simpleng tingnan lang ang ahas o makipaglaro dito ay parang natural na lumabas sa bata ang pagkamuhi sa ahas nang kagatin niya ito.