SA mga mahihilig sa murang paninda tulad ng mga karne at mga processed meat food product para sa inyo ang kolum na ito.
Mga bumibili ng pratiktal na akala nakatipid dahil ang presyo bagsak-presyo.
Kuwidaw, baka nakamura ka nga pero mabubutas naman ang iyong bulsa dahil sa konsumisyon at problema.
Sa halip na ‘alang gastos, bigla kang mamu-mroblema dahil sa sakit at matinding karamdamang naidulot sa iyong pamilya.
Hinggil ito sa mga ibinibentang processed meat food products na mga expired o hindi na pwedeng kainin ng tao.
Dapat ipinapakain na sa mga hayop o di naman kaya sinusunog na pero ang mga negosyanteng mapagsamantala, pinagkakakitaan pa.
Sige pa rin sa paglatag ng mga paninda sa gilid-gilid ng mga bangketa habang nakikipagbugawan sa mga dumadapong ipis at langaw.
Iniaalok nila ang kanilang paninda ng mas mura at pinaniniwala ang mga mamimili na ang kanilang ibinibenta branded at kilala.
Lingid sa kaalaman ng pobreng mamimili, ang mga hotdog, tosino, tapa, mga fishball at iba pa, ibinabad lang pala sa mga food coloring at seasoning para magmukhang bago at mabango.
Malalaman na lang na mga bulok at sirang karne ang nabiling pagkain kapag niluluto na at kapag nahain na sa kanilang pamilya.
Ayon sa Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na nagmo-monitor ng kalidad at seguridad ng pagkain sa bansa, malaki ang posibilidad na kontaminado ito ng mga bacteria tulad ng salmonella, nakakamatay na Escherichia coli o e-coli, hepatitis-a at mga kauri nito.
Kaya mura na, libre sakit pa!
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.