DAPAT kasuhan ang Mitsubishi Motors Philippines kaugnay ng mga reklamo ng mga consumers o nakabili ng kanilang Montero Sport.
Ito ay matapos na manindigan ang pamunuan ng Mitsubishi na walang depekto ang kanilang Montero na taliwas sa ilang reklamo ng mga nakabili nito.
Ayon sa Mitsubishi sa press conference kahapon, pagkakamali ng driver (human error) ang mga nangyaring aksidente na sinasabing biglaang pagharurot ng Montero. Wala umanong depekto ang kanilang sasakyan.
Pero kung talagang human error at walang depekto ang Montero ng Mitsubishi ay bakit binayaran ng kompanya ang mga may-ari ng sasakyan na nagreklamong may depekto.
Ang buyback na ginawa ng Mitsubishi ay isang malinaw na pag-amin na may depekto ang kanilang sasakyan.
Kung human error at walang depekto ang Montero ay dapat ipaglaban ito ng Mitsubishi kahit magdemanda ang mga customer.
Dahil dito, dapat nang kumilos ang gobyerno at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Hihintayin pa ba ng gobyerno na magkaroon nang maraming maaksidente bago kumilos laban sa Mitsubishi?
Responsibilidad ng gobyerno na protektahan ang publiko. Ipag-utos na ipatigil ang pagbebenta ng Montero habang sumasailalim sa malalimamg imbestigasyon.
Ang mga apektadong consumer ay magsama-sama at maghain ng kaso sa korte laban sa Mitsubishi para itigil ang pagbebenta ng Montero habang hindi pa natitiyak ang kaligtasan nito.