SA lahat nang inaanak ni Vicky, ang sampung taong gulang na si Leslie ang kanyang pinakapaborito. Kaya tuwing mag-eeksperimento siya ng bagong recipe ay si Leslie kaagad ang kauna-unahan niyang pinadadalhan at pinatitikim ng bagong tuklas na recipe.
Isang araw ay nagluto si Ninang Vicky ng Black Spaghetti. Sa halip na tomato sauce ay tintang itim ng pusit ang gagawing sauce. As usual, si Leslie kaagad ang pinadalhan niya at pinatikim ng kanyang ‘obra’.
Sa kabilang dako, napangiwi ang lahat ng kasambahay ni Leslie nang malasahan nila ang Black Spaghetti. Bukod sa hindi kaayaaya ang kulay ay hindi talaga ito masarap.
“Disaster ang lasa ng spaghetti ng Ninang Vicky mo!” sabi ng kuya ni Leslie habang nakangiwi ito pagkatapos iluwa ang naisubong isang kutsarang spaghetti.
Napangiti si Leslie sa kanyang Mommy at Daddy dahil kahit siya ay hindi nasarapan sa niluto ng kanyang ninang. Maya-maya ay dinampot ng katulong ang spaghetti sabay shoot sa lalagyan ng kaning-baboy.
“Paano ‘yan Mommy, anong sasabihin ko kay Ninang kapag tinanong niya ako kung anong comment ko sa niluto niya?”
“Maging honest ka lang…” sabi ng kanyang mommy
“Without hurting her feeling” salo ng kanyang daddy
Kinabukasan, kagaya ng inaasahan ni Leslie ay tinawagan siya ng kanyang ninang.
“Natikman mo ba ang ipinadala kong Black Spaghetti?”
“Yes Ninang, thank you, you’re so nice talaga. For the first time, hindi po nagtagal sa mesa ang spaghetti…”