‘Electronic Campaign’

KANYA-KANYANG SABIT ng litrato sa poste at ilan pang lugar na pwede silang matandaan ng botante. Normal na itong pakulo ng mga kandidato pagdating ng eleksyon.

Kadalasan ang isang kandidato para malaman kung gaano siya katanggap ng tao at mga botante ay sinusubukan muna magparamdam sa ‘social media’ tulad ng Twitter at Facebook.

Pag maganda ang resulta saka sila naglulunsad ng malawakang kampanya o nagpapa-survey at pumupunta sila sa mga bayan-bayan at probinsya.

Sa panahong nating ngayon dumarami na ang gumagamit ng mga ‘social networking sites’ kaya’t hindi nagpapahuli ang mga tatakbo at nagsigawa na din ng kanilang mga ‘account’.

Pinakamurang paraan nga naman ito para makahakot ng suporta mula sa mga botante at malawak pa ang nararating nito sa simpleng pagpo-post lang.

Isa na rito ay si Sen. Miriam Defensor-Santiago na tatakbo bilang Presidente sa Eleksyon 2016.

Nanguna siya sa ginawang ‘online survey’. Mas inaasahan niya daw ang social media kaysa sa tradisyonal na pagsu-survey.

“Social media is the key to winning the 2016 elections. Traditional politicians can always pay for advertisements or even pre-election surveys, but no amount of money can silence Filipinos on social media,” sabi ni Santiago.

Tinatayang umaabot ng 40 milyong tao ang gumagamit ng social media sa ating bansa. Marami din naman siyang tagasubaybay (followers). Sa Facebook pa lang 3.2 million na at sa Twitter naman ay 2.1 million.

Noon pa man maingay na si Sen. Santiago sa social media lalo na ang kanyang mga kwelang komento sa isyu ng bansa o kapag may pagdinig sa Senado.

Ang tanong dito pwede bang manalo ang isang kandidato dahil lang sa mga taga-suporta sa social networking sites? Kailangan isa-alang alang din dito kung ilan sa mga ito ang botante ng bansa.

Pagdating naman sa mga survey, sabihin mo mang tradisyonal na survey o survey sa internet, ilang tao lang ba ang tinanong nila tungkol dito? Sa milyun-milyong botante ng Pilipinas hindi maihahayag ng dalawang daang tao ang bawat opinyon ng bawat isa.

Malaking hatak sa kabataan na aktibo ka sa social media, malaking porsiyento din kasi ng mga botante sa darating na halalan ay kabataan.

Paano ka naman mapapalapit sa mga mahihirap at nasa mga lugar na hindi naaabot ng signal ng internet?

Wala pa ding makakapagsabi kung sino ba talaga ang tunay na mangunguna pagdating ng eleksyon.

Kaya ba ginagawa ni Miriam ang ganito na nagbibigay lang siya ng mga talk sa mga unibersidad at ang kampanya niya ay sa social media lamang dahil may kinalaman ito sa kanyang karamdaman? Sinabi niya noon na na-diagnose na siya ay may cancer subalit ibinalita niyang magaling na daw siya.

Kung totoo ito bakit pa siya lalaban? Anong pa ang dahilan ni Miriam?

PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

 

Show comments