HANGGANG ngayon hindi pa nare-rescue ang mga kinidnap ng Abu Sayyaf ang tatlong dayuhan at isang Pinay sa isang resort sa Davao City noong nakaraang buwan. Wala nang balita sa mga kinidnap.
Hanggang ngayon din, wala pa ring balita kung kailan mahuhuli ang mga barbarong pumugot sa ulo ng isang Malaysian dalawang linggo na ang nakararaan. Itinaon pa ang pagpugot sa Malaysian habang nasa bansa ang lider ng Malaysia at dumadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit.
Sabi ni Malaysian Prime Minister Najib Razak, mga barbaro at hindi sibilisado ang mga taong pumatay sa kanyang kababayan na si Bernard Then. Hiling niya sa mga awtoriad na hulihin at pagbayarin ang mga pumatay kay Then. Wala aniyang puwang sa mundo ang mga barbaro. Ayon pa sa Malaysian leader, handa silang makipagtulungan sa ikadadali ng imbestigasyon. Kailangan aniyang malutas ang pagpatay kay Then. Pinugutan ng ulo si Then sa Bgy. Bud Taran, Indanan, Sulu
Dinukot si Then at kasamang babae na si Thien Nuk Fun ng mga bandidong Sayyaf noong Mayo 15 sa Ocean King Restaurant sa Sandakan, Malaysia. Dinala sila sa Sulu. Nakalaya ang kasamang babae ni Then noong Nobyembre 9 nang magbayad ng ransom. Sabi ng military, pinatay si Then ng Abu Sayyaf makaraang hindi makapagbayad ng ransom.
Makaraan ang APEC summit, pinag-utos ni President Noynoy Aquino sa Armed Forces of the Philippines ang malawakang operasyon sa Abu Sayyaf at panagutin sa pagpatay sa Malaysian national. Pero tila wala pang nangyayari sa kautusan. Wala pang nangyayaring malakihang pagsalakay sa kuta ng mga barbaro.
Tapusin na ang kidnap group na ito. Tugisin huwag nang hayaan pang makapambiktima. Ngayong makikipagtulungan ang Malaysian para mahuli ang mga kriminal, nararapat magpursigi ang AFP at PNP para ganap nang madurog ang mga mamamatay tao.