ALAM kong marami ang ayaw magpa-check up sa doktor. Una, mahal magpakunsulta sa doktor. Pangalawa, takot tayong malaman ang sakit. Nauunawaan ko ito.
Ngunit ang lahat ng tao edad 40 pataas ay magandang magpa-check up. Kung ikaw ay wala pang 40, pero mayroon kayong nararamdaman o may lahi kayo ng sakit sa puso, diabetes at high blood, puwede rin magpa-check up. Gawin ito kada 1 o 2 taon.
1. Ipasuri sa dugo ang mga sumusunod (Blood test):
a. Complete blood count o CBC – Makikita rito kung ikaw ay anemic o kulang sa dugo. Makikita rin kung may impeksiyon ka sa katawan.
b. Fasting blood sugar o FBS – Kung lalampas sa 105 mg/dl ang inyong blood sugar, ang ibig sabihin ay may diabetes kayo.
c. Lipid profile – Kasama sa test na ito ang cholesterol, triglycerides, good cholesterol (HDL) at bad cholesterol (LDL). Kapag mahilig kayo sa matatabang pagkain, puwedeng tumaas ang cholesterol ninyo.
d. Creatinine – Tumataas ang creatinine kapag may sakit na sa bato.
e. Uric Acid – Kapag mataas ang inyong uric acid, puwede kayong magkaroon ng sakit na gout.
f. SGPT – Ang SGPT ang magpapakita kung may diprensya ang inyong atay. Ang mga sakit na hepatitis, cirrhosis at ang pag-inom ng alak ay nakasisira sa ating atay.
Ang halaga ng mga nabanggit na blood test ay mga P800 lamang sa murang laboratoryo. Tandaan din na may 10 hours fasting ang pagkuha ng dugo. Kung ika-8 ng gabi ang huling kain ninyo, puwedeng magpa-blood test ng ika-6 ng umaga, bago pa mag-almusal.
2. Ipasuri ang ihi (Urinalysis) – Sa urinalysis, makikita kung kayo ay may impeksyon sa ihi, may diabetes o may sakit sa bato (kidneys).
3. Magpakuha ng blood pressure ng regular. Kung ang blood pressure ninyo ay lampas sa 140 over 90, magpakonsulta sa doktor at baka may high blood na.
4. Chest X-ray – Makikita sa Chest X-ray kung may impeksiyon sa baga, may bukol sa baga o lumalaki ang puso.
5. ECG – Kapag normal ang inyong ECG ay wala naman dapat ikabahala. Ngunit kung may abnormal na nakita, magpasuri sa isang cardiologist o espesyalista sa puso.
6. 2D-Echocardiogram with Doppler test – Ang 2D-Echo ay ginagawa para matiyak kung may sakit sa puso o wala. Mas tumpak ito kaysa sa simpleng ECG. Ang 2D-Echo ay parang ultrasound ng puso kung saan lalabas ang hugis ng inyong puso sa isang telebisyon. Nagkakahalaga ito ng P2,000 sa murang laboratoryo, ngunit aabot ng P4,000 sa malalaking ospital.
7. Ultrasound of the whole abdomen – Makikita sa ultrasound kung may diprensiya ang iyong atay (liver), apdo (gallbladder), pali (spleen), lapay (pancreas), bato (kidneys), matris (uterus), obaryo (ovaries) at pantog (bladder). Ang galing hindi ba? Nagkakahalaga ito ng mga P1,000 sa murang laboratory.
Huwag pong mangamba. Kapag maaga nating malalaman ang kondisyon ng iyong katawan, mas magagawan natin ito ng tamang solusyon. Kaya magpa-check up na!