NALIBANG si Soledad sa pagsa-shopping kaya eksaktong closing time na ng mall nang lumabas siya. Pagsapit sa parking lot, saka lang niya hinanap ang susi ng kotse sa kanyang bag. Wala! Teka...parang wala siyang bitbit na susi noong pumasok siya sa mall. Ibig sabihin, naiwan niya sa loob ng kotse ang susi.
May isa pang problema, hindi niya maalaala kung saang spot niya naiparada ang kanyang kotse. Gusto na niyang mapaiyak. Gusto niyang tawagan ang asawa sa bahay pero may sakit sa puso. Kakaopera pa lang. Baka matigok dahil lang sa kanyang kapabayaan. Hindi na baleng mawala ang kotse, huwag lang ang minamahal na asawa. Ang mga anak nila ay nasa abroad.
Open ang parking lot ng mall. Mabilis manakaw ang kotse. Iilan na lang ang kotseng nakaparada kaya wala siyang choice kundi tingnan niya isa-isa ang plate number nito. At least kahit siya makalilimutin, memorize niya ang plate number. Patay…talagang wala ang kotse niya. Lalo siyang nataranta.
Pumunta siya sa opisina ng security administration office para ireport na nawawala ang kanyang kotse. Pero busy ang security officer na naka-duty. Ilang tao ang iniinterbyu nito dahil sa nawawalang tiket. Hindi mo mailalabas ang kotse sa parking lot kung wala ang tiket na iniisyu ng mall noong pumasok ang iyong sasakyan.
Naalaala niya ang kanyang tiket…nawawala rin? Saan nga pala niya nailagay iyon? Diyos ko! Lahat nawawala! Gusto na niyang mawalan ng ulirat. Pero teka, bigla siyang napatigil…bumalik ang lahat ng alaala. Paano siya magkakaroon ng tiket, eh, inihatid lang siya kanina ng kanyang mister sa mall. At ang usapan nila, tawagan ito kung tapos na siya sa pagsa-shopping at susunduin siya. Palabas na siya sa opisina nang mapansin siya ng security officer: Yes Mam, ano po ang problema? Buti na lang at kahit makalilimutin siya, mabilis siyang mag-isip ng palusot para hindi mapahiya. Puwede bang makigamit ng landline ninyo? Naubusan ng battery ang aking cell phone. Tatawag lang ako sa bahay para magpasundo.
Hindi matapus-tapos ang paghalakhak ng kanyang mister nang marinig ang kanyang nakakalokang “senior moments”. By the way 67 years young pa lang naman siya pero grabe ang pagkamalilimutin.