EDITORYAL - Tulungan, mga Pinoy na imbentor
NANG idaos ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa bansa noong nakaraang linggo, nakausap nang harapan ni US President Barack Obama, ang Pinay na imbentor ng lamparang umiilaw gamit ang tubig-alat. Kung hindi pa kay Obama, hindi malalaman na Pinay pala ang may likha ng Sustainable Alternative Lighting (SALT). Inimbento ito ng Pinay engineer at entrepreneur na si Aisa Mijeno. Inanyayahan ni Obana si Mijeno at ang Chinese billionaire na si Jack Ma, chairman ng e-commerce giant Alibaba sa isang panel discussion na may kaugnayan sa climate change.
Humanga si Obama sa imbensiyon ni Mijeno at tinanong ito kung ano ang kailangan ng katulad niyang inventor at entrepreneur, sagot niya, ang suporta at tulong mula sa public at pribadong sector. Kaugnay sa kanyang inimbentong lampara, kailangan daw nila ng pondo para sa mass production. Iyon daw ang kanilang kailangan para ganap na maipamahagi ang lampara. Sabi pa ni Obama kay Mijeno: “You have an idea that could both do well and do good.”
Ayon kay Mijeno, naimbento niya ang lampara nang siya ay magtungo sa Kalinga province at nakasalamuha ang Butbut tribes. Ang mga ito ang nagbigay sa kanya ng ideya. Nalaman niya sa mga katutubo na dalawang beses sa isang linggo bumababa ng bundok ang mga ito para bumili ng gaas o kerosene para sa kanilang gasera. Anim na oras naglalakad ang mga katutubo para bumili ng gaas sa kapatagan.
Ipinaliwanag ni Mijeno na umiilaw ang SALT lamp dahil sa kuryenteng nagmula sa tubig-dagat gamit ang LED bulb at USB port. Nagkakahalaga umano ng $20 ang SALT lamp.
Tulong ang kailangan ng mga katulad ni Mijeno para mapaunlad ang kanilang naimbento na mala-king kontribusyon sa sangkatauhan. Ang gobyerno ang dapat manguna sa pagbibigay ng supporta sa mga inventor na Pilipino. Hindi sila dapat pinababayaan na mas nauna pang pumuri ang lider ng ibang bansa. Sana magising ang gobyerno at buhusan ng tulong ang mga imbentor na Pilipino. Kailangan sila ng bansang ito para umunlad at makaahon sa kahirapan ang maraming Pinoy.
- Latest