EDITORYAL - H’wag bumili ng X’mas lights na walang ICC markings
DALAWAMPU’T SIYAM na araw na lamang at Pasko na. Marami na ang nagkakabit ng mga parol at pailaw sa kani-kanilang mga bahay. Laganap naman ngayon ang mga nagbebenta ng mga Christmas lights na takaw-sunog. Makikita ang mga ito sa bangketa at mga maliliit na tindahan sa Divisoria, Recto at Rizal Avenue, Baclaran, Cubao at iba pang lugar sa Metro Manila. Huwag bumili ng mga Christmas lights na ito sapagkat maaaring pagmulan ng sunog. Ang mga Christmas lights na ito ay maninipis ang wire na madaling mag-init at nasusunog. Kung gusto n’yong maging masaya ang Pasko, iwasan ang mga pekeng Christmas lights. Bumili lamang ng may ICC markings.
Galing China ang mga Christmas light at iba pang pailaw. Mga smuggled. Nakakalusot ang mga ito sa Bureau of Customs. Sabagay kung ang droga, baril at mamahaling kotse ay nakalulusot sa corrupt na Customs, e di lalo na ang Christmas lights.
Nakalatag sa bangketa at bungkos-bungkos ang mga Christmas lights na binebenta ng 3 for P100. Murang-mura kumpara sa mga makabagong Christmas lights na LED type na ang 100 lights ay P500.
Pero dahil mahirap ang buhay, kinakagat na rin ng mamamayan na walang gaanong budget ang mga depektibong Christmas lights. Maaari nang pagtiyagaan dahil kumikindat-kindat at papalit-palit din naman ang mga ilaw.
Subalit kapahamakan ang maaaring idulot ng mga Christmas lights na ito. Ang mga ito ang karaniwang nagdudulot ng sunog sa Metro Manila. Kapag nag-init ang bulb, uusok ito at dito na magsisimula ang apoy. Mas madaling kumalat ang apoy kapag nakadikit sa kurtina at iba pang light materials.
Depektibong Christmas lights ang dahilan kaya namatay ang anak na babae ni dating House Speaker Jose de Venecia. Nasunog ang bahay ng Speaker at nakulong sa kuwarto ang anak. Kumalat ang apoy na nagmula sa mga pekeng Christmas lights.
Payo ng Department of Trade and Industry, bumili lamang ng mga Christmas lights na may ICC markings. Dumaan ito sa pagsusuri at aprubado ng DTI. Huwag tangkilikin ang mga pailaw na magdudulot ng panganib sa buhay.
- Latest