HANGGANG ngayon, hindi pa rin naniniwala si President Aquino na kaya may “tanim-bala” ay para magkapera ang mga corrupt na airport security officials at mga tauhan sa scanning machine. Pilit pa ring sinasabi ng Presidente na sini-sensationalized ang “tanim-bala”.
At para ganap na maipaliwanag, sinabi pa ng Presidente na napakaliit daw ng porsiyento ng mga kaso ng “tanim-bala” – nasa 1,200 kaso – kumpara sa 34 na milyong pasahero na dumadaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Halos ganito rin ang sinabi noon ni Department of Transportation and Communications (DOTC) secretary Joseph Abaya na lubha raw napakakonti ng mga kaso ng “tanim-bala” kung ihahambing sa dami ng mga dumadaan sa NAIA araw-araw. Hindi lang nagsabi si Abaya na sini-sensationalized ang kaso.
Nagkaroon na ng pagdinig sa Senado ilang linggo na ang nakararaan at dinetalye ng mag-anak na White kung paano sila hinuhuthutan ng pera makaraang mahulihan umano ng bala sa luggage ang isa sa kanilang kaanak. Hinihingian sila ng P30,000 para maayos na ang lahat. Sabi pa ng isa sa mga airport security, mas mataas daw ang babayaran ng mga nahulihan ng bala kapag nakarating pa sa mas mataas --- aabutin ng P80,000. Sabi ng mga nabiktima, kung talagang nahulihan sila ng bala bakit kailangan pang paikut-ikutin sila ng mga security official.
Sindikato ang “tanim-bala” sa NAIA at ginagawa ito para makapang=-extort ang mga tiwaling opisyal ng security. Pera ang kanilang hangad kaya “tinataniman ng bala” ang mga bagahe.
Bakit hindi ito makita o maintindihan ng Presidente? Hindi pa ba sapat ang pagsasalaysay ng mga nabiktima ng “tanim-bala”? Kung sa halip na sabihing maliit lamang mga nahuhulihan ng bala, bakit hindi ipag-utos sa MIAA manager na dakmain kung sino man ang nagtatanim ng bala. Mayroon nang mga sinibak na airport security official kaya malinaw na may extortion na nagaganap. Sana mapag-isip-isip ang nangyayaring ito sa NAIA.