HINDI napilit si President Noynoy Aquino na tapyasan ang income tax. Kahapon, tinapos na niya ang mga espekulasyon na tatapyasan ang income tax lalo pa nga’t malapit na ang election at maganda itong “papogi” pero hindi ito nangyari. Una nang sinabi ni Aquino na ayaw niyang bigyan ng sakit ng ulo ang papalit sa kanya sa puwesto. Nasaan naman ang konsensiya niya kung iiwan ng problema ang sunod na presidente. Pinag-aralan daw niyang mabuti ang magiging epekto sakali at tapyasan ang income tax. Sabagay, noon pa ay kontra na si P-Noy sa pagbabawas ng tax sa mamamayan. Hindi pa raw panahon para ibaba ito na agad namang sinang ayunan nina Finance Secretary Cesar Purisima at BIR Commissioner Kim Henares.
Wala nang pag-asa sa pangarap na kaltas sa tax. Ito sana ang sagot sa mga manggagawang kapos ang kita. Kung nakaltasan ang income tax, madagdagan ang iuuwing suweldo sa pamilya. Maaaring hindi na mangutang ang manggagawa sapagkat nabawasan nga ang kaltas sa tax.
Ayon sa panukala, ang mga sumusuweldo ng P20,000 hanggang P70,000 isang buwan ay kakaltasan ng 10 percent at ang kumikita nang mahigit P1 milyon sa isang taon ay kakaltasan ng 25 percent.
Sa Southeast Asia tanging ang Pilipinas ay may mataas na income tax rate -- 32 percent. Sumunod ay ang Laos, 25 percent; Cambodia, 20 percent; Vietnam, 20 percent; Malaysia, 10 percent; Singapore at Brunei, 0 percent.
Ngayong pinal na ang desisyon ni P-Noy, wala na ngang aasahan sa pagbaba ng income tax. Kahit pa magkaroon ng increase ang mga manggagawa, kakainin lamang ito nang malaking tax. Wala ring mangyayari sapagkat mapupunta lamang sa tax na hindi pa malaman kung nasa mabuting kamay.
Hindi naman katanggap-tanggap ang sinabi ni P-Noy na kapag kinaltasan niya ang income tax ay baka mag-iwan siya ng problema sa papalit sa kanya. Bakit puproblemahin niya ang hindi pa nangyayari? Bakit kailangang magsakripisyo ang mamamayan na ang kanilang kinikita ay halos lamunin ng buwis?