20 masustansyang pagkain ng Pinoy

ALAMIN ang mga pinakamasustansyang pagkain para sa ating kalusugan. Piliin ang mga pagkaing ito:

Maberdeng mga gulay – Ang gulay tulad ng repolyo, pechay, kangkong, broccoli, spinach at iba pang mga talbos ay napakahalaga sa katawan. Sagana ito sa bitamina, minerals at iba pang masustansyang kemikal. Ang gulay ay may tulong din sa sakit sa puso, diabetes, sakit sa tiyan, colon cancer at iba pang kanser.

Matatabang isda – Ang mga oily na isda tulad ng sardinas, tilapia, salmon at mackerel ay may Omega-3. Ang Omega-3 ay nag-aalaga ng puso, tumutulong sa pag-iwas sa atake sa puso at istrok, at nagpapababa ng kolesterol sa katawan.

Kamatis – Ang kamatis ay mataas sa lycopene, isang anti-oxidant, na panlaban sa kanser. Pang-alis ito ng dumi sa ating mga selula. Ang ketchup at tomato sauce na galing sa kamatis ay mainam din.

Citrus fruits tulad ng calamansi, suha at dalandan – Sagana ito sa Vitamin C na panlaban sa mga sakit tulad ng sipon, hika, at arthritis.

Carrots – Ito ay may Vitamin A na mabuti sa ating mga mata.

Saging – Ang saging ay puwede gawing lunas laban sa ulcer at pangangasim ng sikmura. Ito’y dahil natatapalan ng saging ang mga sugat sa tiyan. Ang saging ay lunas din sa mga nanghihina at may cramps dahil mayaman ito sa potassium.

Gatas, keso at yogurt – Ang mga produkto ng gatas ay matatawag na “complete foods.” Ito’y dahil ang gatas ay may protina, carbohydrates at fats. May calcium pa para tumigas ang buto.

Bawang – Ang bawang ay makatutulong sa pagpapababa ng kolesterol.

Mansanas –May taglay na pectin ang balat ng mansanas na nag-aalis ng dumi sa ating katawan. Nakakabusog pa ito at bagay sa mga nagpapapayat.

Tubig – Kasali ang tubig sa ating listahan dahil maraming Pinoy ay kulang sa pag-inom ng tubig. Lalo na kapag tag-init, kailangang uminom ng 8-12 basong tubig.

Ampalaya – Ito ang paborito kong gulay at may tulong pa sa mga may diabetes.

Monggo – Ang monggo ay masustansya, mataas sa protina at mura pa.

Luya – Ang paggamit ng luya tulad ng salabat ay may tulong sa lalamunan at pagkahilo. Panlaban din ang luya sa kanser.

Oatmeal – Ang pagkain ng oatmeal araw-araw at nakabababa ng kolesterol sa dugo.

Kamote – May taglay na Vitamin A ang kamote. Tinatanggal din ng kamote ang mga toxins sa ating katawan.

Wheat bread - Mataas ang wheat bread sa fiber na nakatutulong sa ating bituka.

Tokwa, tofu at taho – May taglay itong protina na mas masustansya kumpara sa protina ng karneng baboy at baka.

Tsa-a tulad ng green tea – Subok na panlaban ang green tea sa kanser at nakalilinis din ng tiyan.

Buko at buko juice – Masustansya ang laman ng buko at ang tubig nito ay mabuti sa ating kidneys.

Mani – Ang pagkain ng isang dakot na mani ay puwedeng pampatalino at pampalakas sa atin. Huwag lang piliin ang maaalat at mamantikang mani. Huwag lang dadamihan ang pagkain nito.

Show comments