INATASAN ni President Noynoy Aquino ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na durugin ang Abu Sayyaf kasunod ng pagpatay sa Malaysian national na itinaon pa habang nasa bansa ang Malaysian Prime Minister at dumadalo sa Asia-Pacific Cooperation (APEC) summit noong Martes. Wala nang ipinagkaiba ang Sayyaf sa ISIS militants na nagsagawa ng pambobomba sa Paris, France noong nakaraang linggo na ikinamatay ng 129 katao. Karaniwan na lamang ang pagpatay sa kanila at ipinagmamalaki pa.
Marami nang kinidnap at pinatay ang Abu Sayyaf. Kapag hindi naibigay ang ransom, papatayin ang bihag sa pamamagitan ng pagpugot sa ulo. Ganito ang ginawa nila sa bihag na Malaysian na si Bernard Then na pinugutan ng ulo sa Bgy. Bud Taran, Indanan, Sulu. Dinukot si Then at kasamang babae na si Thien Nuk Fun ng mga bandidong Sayyaf noong Mayo 15 sa Ocean King Restaurant sa Sandakan, Malaysia. Dinala sila sa Sulu. Nakalaya ang kasamang babae ni Then noong Nobyembre 9 nang magbayad ng ransom. Sabi ng military, pinatay si Then ng Abu Sayyaf makaraang hindi makapagbayad ng ransom.
Sabi ni Malaysian Prime Minister Najib Razak, mga barbaro at hindi sibilisado ang mga taong pumatay sa kanyang kababayan. Hiling niya sa mga awtoridad na hulihin at pagbayarin ang mga pumatay kay Then. Wala aniyang puwang sa mundo ang mga barbaro. Ayon pa sa Malaysian leader, handa silang makipagtulungan sa ikadadali ng imbestigasyon. Kailangan aniyang malutas sa madaling panahon ang pagpatay kay Then. Wakasan na ang kasamaan ng Sayyaf. Tugisin ang mga ito at huwag nang hayaan pang makapambiktima. Ngayong makikipagtulu-ngan ang Malaysian para mahuli ang mga kriminal, nararapat magpursigi ang Philippine National Police (PNP) para sila madakip. Sila ang dahilan kung bakit maraming negosyante ang natatakot mag-invest sa Mindanao. Sagabal sa pag-unlad ang mga barbaro!