HINDI na magagamit ang selfie sticks sa hinaharap sapagkat mayroon nang bagong naimbento na mas mahusay para sa pagsi-selfie. Mas komportableng gamitin ang bagong naimbenting “selfie arm”.
Ang “selfie arm” ay naimbento ng Hapones na si Mansun. Mas maganda itong gamitin ayon kay Manson sapagkat parang tunay na kamay ang kumukuha ng picture para sa selfie.
Ang “selfie arm” ay mahabang stick na sa dulo ay may fake na kamay.
Ayon kay Mansun, inimbento niya ang “selfie arm” sapagkat naaasar siyang gumamit ng selfie sticks sa public. Hindi raw komportable.
Plano ni Mansun na mag-mass produce na ng selfie arm. Pero magpo-provide daw muna siya ng picture nito para ang iba ay makagawa ng sariling “selfie arm’’.
Indonesia, gagamit ng buwaya bilang prison guard
MARAMING drug convicts sa Indonesia. At laganap ang corruption sa mga bilangguan doon. Nagagawang makatakas ng drug convicts sapagkat sinusuhulan ang jail guards. Kung mapera ang nakakulong, madali lang siyang makakatakas.
Kaya isang kakaibang ideya ang naisip ng mga prison official para masawata ang pagtakas ng mga drug convicts --- mga buwaya ang gagawin nilang bantay. Magpapagawa umano ang anti-drug agency ng isang bagong bilangguan na ang mga bantay ay mababangis na buwaya.
“Maglalagay kami nang maraming buwaya,” sabi ni anti-drugs chief Budi Waseso. Maghahanap daw sila ng mga buwaya at ang mga mababangis ang ilalagay nila sa bagong bilangguan.
“Hindi nila masusuhulan ang mga buwaya,” sabi pa ni Budi.
Pinag-uusapan na ang balak na ito at maaaring magkaroon ng katuparan sapagkat mas mahusay na guard ang mga gutom na buwaya.