EDITORYAL - Balik sa normal ang kalye, balik din ang mga pulubi
KAHAPON ng hapon, inalis nang lahat ang mga nakaharang sa kalye kaugnay sa pagdaraos ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Dakong alas kuwatro ng hapon, inalis ang harang sa kahabaan ng Roxas Blvd., EDSA-Taft, Magallanes Interchange, Macapagal Blvd. at mga kalsada sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Parang pinakawalang simaron ang mga sasakyan nang buksan ang Roxas Blvd. at Macapagal Blvd. Halos limang araw ding naging kalbaryo sa motorista at commuters ang matinding trapik na ang karamihan ay inabot ng walong oras para makarating sa kanilang trabaho.
Balik sa normal ang mga kalye sa Metro Manila at balik din ang mga pulubi, palaboy at mga naninirahan sa ilalim ng flyover, waiting shed at kariton. Muling aakyat sa mga pampasaherong dyipni ang mga batang palaboy para manghingi ng limos. Balik na uli sa pagkatok sa mga salamin ng sasakyan ang mga babaing Badjao habang kilik ang anak at namamalimos. Balik uli ang mga pamilyang naninirahan sa Baywalk at ang mga naninirahan sa center island.
Bago idaos ang APEC summit, pinaghuhuli ang mga palaboy at pulubi sa mga lugar na dadaanan ng APEC leaders. Malinis na malinis ang Baywalk. Inamin ng Department of Social Welfare and Deve-lopment (DSWD) na pinaghuhuli nila ang mga naninirahan sa Baywalk at binigyan ng P4,000 para magastos. Ang ilang pamilya at mga palaboy na bata ay dinala umano sa Boys Town Complex sa Marikina. Pero sabi ng mga dinala sa Boys Town, hindi sila iniintindi roon. Atrasado ang pagkain nila. At ang pangakong doctor na titingin sa kanila ay wala naman daw. Mas maganda pa raw noong nasa Baywalk sila at kumikita at kumakain sa oras.
Nang dumating si Pope Francis ay itinago rin ang mga pulubi sa isang resort at nang makaalis ang Papa, muling ibinalik sa pinanggalingan. Maaaring ganito rin ang mangyari sa mga pulubing itinago sa APEC summit.
Ganito na lang ba lagi ang gagawin ng DSWD? Hindi ba sila makakagawa nang pangmatagalan o permanenteng solusyon para sa mga kapus-palad na palaboy at mga walang tahanan. Sana naman, ang inalis nila dahil sa APEC ay huwag nang ibalik.
- Latest