SA idinaos na pagpupulong ng mga lider ng mga bansang kasapi ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na ginanap sa bansa, maraming aral ang dapat na matutuhan ng lahat ng sektor.
Dapat ay matuto na mismo ang gobyerno na hindi pala nararapat na idaos ang napakalaking event tulad ng APEC summit sa pusod ng Metro Manila dahil libong commuters at motorista ang naapektuhan nito dahil sa sobrang sikip ng trapiko.
Bukod sa tinding dulot ng trapiko ay bilyong piso ang nalugi sa mga airline companies at iba pang negosyo sa bansa dahil sa pagkansela sa libong flights at pagsasara ng mga kalsada kaugnay ng mahigpit na seguridad para sa APEC leaders.
Sana sa pagsapit na muling mag-host ang Pilipinas ay pag-isipang mabuti na ng gobyerno ang mga apektadong sektor sakaling may ikonsiderang lugar na pagdadausan ng APEC summit.
Suriing mabuti ang naunang pagdaraos ng APEC summit at kung ano ang mga naging kapalpakan o kakulangan ay punuan at isaayos pang muli para maging tagumpay ang summit na walang naperwisyong mamamayan.
Doble kasi ang latay ng masamang preparasyon ng ganitong malaking event at ito ay may negatibong epekto sa mamamayan at ekonomiya.
Tulad ngayon ay sinasabing ang deklarasyon ng mga lider ng APEC ay sama-samang magtulungan para iangat sa kahirapan ang mga kasaping bansa tulad ng Pilipinas.
Pero papaano mahahango sa kahirapan samantalang agad na ngang lumubog dahil sa kapalpakan ng pagiging punong abala ng pagtitipon matapos ang bilyUN-bilyong pagkalugi sa negosyo bukod pa sa mahigit sa P10 bilyong ginasta na inilaan sa APEC summit.
Mahalaga ang pagtiyak sa seguridad ng APECleaders kung kaya dito lang Yata nasentro ang preparasyon samantalang ang ibang bahagi ay hindi nakita tulad ng perwisyo sa publiko at pagkalugi ng ilang negosyante.
Pagkatapos ng APEC summit ay dapat na ilantad sa publiko ang detalye kung saan napunta ang P10 bilyong pondo na inilaan dahil katapatan ito ng mamamayan mula sa buwis nating lahat.