86-anyos na lola, naabot ang tuktok nang pinakamataas na bundok sa Africa
KAGILA-GILALAS ang ipinakitang tibay at lakas ng 86-anyos na si Angela Vorobyoba nang marating ang tuktok ng Mt. Kilimanjaro, ang pinakamataas na bundok sa Africa. Pinatunayan ni Angela na hindi hadlang ang edad para marating ang tuktok nang pinakamataas na bundok.
Si Angel ay retiradong guro at siya ang nakapagtala nang bagong record na pinakamatandang babae na naabot ang summit ng Mt. Kilimanjaro. Pero ayon kay Angela, marami pa siyang patutunayan.
Kasama ni Angela sa pag-akyat sa summit ang kanyang anak na si Vera, 62, at iba pang climbers. Labis ang pagtataka ng mga kasama ni Angela sapagkat wala man lamang naramdaman ang matanda habang umaakyat. Halos hindi nito ininda ang grabeng lamig.
Sabi ni Angela, hindi man lang niya naisip na mag-backout. Wala raw siyang balak sumuko. Sa altitude daw na 4,000 meters, nakuha pa nilang magsayaw ng tango kasama ang kanilang guide. Nang maabot daw nila ang 5,000 meters, nakita nila ang magandang sikat ng araw na nasa itaas ng mga ulap.
Sabi ni Angela, wala raw siyang special training sa pag-akyat sa bundok. Lagi raw siyang nag-eehersisyo tuwing umaga at laging binubuhusan nang malamig na tubig ang sarili. Lagi rin daw siyang naglalakad nang nakatapak.
Hindi raw siya titigil sa pag-akyat sa matataas na bundok. Magpapatuloy daw ang kanyang adventure.
Ang sunod daw niyang trip ay sa Peru, Machu Picchu. Pangarap din niyang marating ang Anadyr-Murmansk ganundin ang Russian islands sa Arctic at North Pole.
- Latest