SUNUD-SUNOD na putok ang umingay habang sa ibang lugar naman ay pagsabog ang nangyari. Maraming nasaktan, namatay at ang ilan ay sugatan.
Nagdeklara ng State of Emergency ang Presidente ng France na si Francois Hollande matapos ang naganap na pamamaril at pagpapasabog sa kanilang bansa. Kagagawan ito ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Gamit ang ‘automatic weapons’ basta na lang pinagbabaril ang mga tao sa isang ‘concert site’ na halos 1,500 ang laman. Pinagpapatay nila ang kanilang mga hostages dito.
“What you are doing in Syria, you are going to pay for it now,” sabi daw ng isa sa mga namaril ayon sa testigo.
Matapos ang pamamaril tatlong pagpapasabog naman sa Stade de France ang nangyari habang ginaganap ang laro ng football ng France at Germany. Nagtanim sila ng mga ‘suicide bombs’ sa stadium.
Nagmukhang nagkakarera ang mga ambulansya para lang madala kaagad sa ospital ang mga sugatan.
Dali-daling sinarhan at binantayan ang borders ng France para walang makapasok na terorista sa kanilang lugar. Kung may naiwan man sa loob ay hindi na makalabas nang hindi nahuhuli ng mga pulis.
Hindi naman makalabas ang ilang mga sibilyan sa kanilang kinaroroonan sa paniniwalang hindi pa ligtas ang paligid para sila’y makauwi.
Isinara nila pansamantala ang ‘tourist attractions’ sa Paris at nagpakalat na ng tatlong libong sundalo para mapanatili ulit ang kapayapaan.
Maraming mga kababayan natin ang nag-aalala para sa kanilang mga kapamilyang nasa France. Tinatayang umaabot ng 70,000 OFW ang nandoon sa France.
Agad na kumilos ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang embahada natin sa France kung may nadamay na Pilipino sa nangyaring pamamaril at pagpapasabog.
Walang namang naiulat na kababayan nating nasaktan sa pag-atakeng ito.
Umabot na ng mahigit 128 katao ang namatay at inaabangan pa ang pinal na bilang dito.
Pitong terorista daw ang umatake sa France at nakilala na ang ilan sa mga ito. May isa namang namatay.
Hindi ko maintindihan ang walang saysay at habas na pagpatay.
Isa lang ang masasabi natin. Ang TERORISMO ay walang kinikilalang mukha, edad at kasarian. Lahat damay at laging may banta.
Ang ating Santo Papa ay humingi ng dasal sa isang anghel na si ‘Saint Michael the Archangel’ upang protektahan tayo sa mga kuko ng demonyo at iligtas ang mga walang kalaban laban na mga tao.
Sa nangyaring pamamaril at pagpapasabog sa France malinaw na may masamang intensyon ang kabilang grupo dahil kahit sibilyan ay wala silang pakialam kung masaktan.
Nagpakita ng pagsimpatiya ang buong mundo sa nangyari sa France. Sa Facebook marami ang nagpalit ng ‘Profile Picture’ na ang background ay and bandila ng France.
Ngayong paparating na ang APEC Summit huwag sanang maging kampante ang ating gobyerno at higpitan ng otoridad ang kanilang pagbabantay para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Lalo na’t mga lider ng iba’t-ibang bansa ang ating bisita at sagutin natin kung may mangyaring hindi maganda.
Hindi rin naman nagpatinag ang mga lider ng bansang France. Mas lalo nilang paiigtingin ang pakikipaglaban sa Terrorismo.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.