HINDI malilimutan ni David Williams-Jones, 42, ng Bassaleg, Wales ang araw na habulin siya ng mga putakti sa Kenfig National Nature Reserve sa Port Talbot, UK. Muntik na siyang mamatay makaraang makagat ng 37 beses ng mga putakti.
Ayon kay William-Jones kasama niya ang kanyang 10-anyos na anak na si Harvey nang habulin sila ng mga putakti makaraang matapakan niya ang pugad ng mga ito. Isang kulumpon ng mga putakti ang sumalakay sa kanila.
Mabilis na nakatakbo ang kanyang anak na si Harvey at nakalayo. Siya ang napuruhan nang maabutan ng kulumpon ng mga mababagsik na putakti. Pawang kagat sa braso at mukha ang natamo niya. Kung hindi raw nakalayo ang kanyang anak, baka napatay ito. Siya man ay nanganib ang buhay sapagkat 37 beses siyang nakagat.
Ayon kay William-Jones, na-trauma siya sa pangyayari. Pakiramdam niya laging may mga umaaligid at lumilipad na insekto sa ulo niya. Hindi raw niya malilimutan ang pangyaya-ring iyon na muntik na siyang mapatay ng mga putakti.
Mga African snail na kasinglaki ng daga, nananalasa sa South Florida
HALOS kasinglaki ng daga ang mga nananalasang suso (snail) sa South Florida at pinuproblema ito ng mga residente. Peste sa halaman ang mga malalaking suso sapagkat sinisira ng mga ito. Tinatayang 500 species ng mga halaman ang kayang sirain ng mga African snail. Ang mga susong ito ang itinuturing na pinakamapanirang species sa buong mundo.
Napakabilis dumami ng mga suso mula nang una itong makita ng isang homeowner noong Setyembre 2011. Sa kasalukuyan, meron nang 117,000 African snail sa Miami at patuloy pang dumarami. Mahigit 1,000 suso ang nahuhuli sa Miami-Dade linggu-linggo.
Sabi ni Denise Feiber, spokeswoman ng Florida Department of Agriculture and Consumer Services, nagrereklamo na ang mga residente sa mabilis na pagdami ng mga suso sa kanilang bakuran. Ang ilan ay nagsasabing natatapakan ang mga suso at nasusugatan sila kapag nabasag ang shell nito.
Sa Barbados, pinuproblema ng mga may-ari ng sasakyan ang mga suso sapagkat madaling napa-flat ang gulong ng kanilang sasakyan kapag nagulungan ang mga ito. Problema rin mga gumagamit ng lawn mowers sapagkat nasisira ang kanilang blade kapag tinamaan sa bakuran.
Bukod sa sumisira ng pananim at perwisyo sa mga may-ari ng sasakyan, kinatatakutan din ang African snail dahil nagtataglay din ito ng parasitic rat lungworm na delikado sa tao. Ito umano ang nagdudulot ng meningitis.
Wala namang masabing solusyon sa ngayon kung paano malilipol ang mga suso.