KAKAIBA ang prinsipyo ng aking ama kumpara sa isang tipikal na ama ng tahanan. Hindi siya pa-martir effect na ibibigay ang lahat ng pagkain sa mga anak sukdulang walang matira sa kanya. Hindi siya naniniwala sa ganoong drama. Ang pagkain ay dapat hatiin sa lahat ng miyembro ng pamilya. Kung magpapakamartir ang isang ama at hindi kakain, saan siya huhugot ng lakas upang makapagtrabaho? Kung hindi kakain ang ina, paano siya makakapagdesisyon nang matino para sa kanyang pamilya? Kailangang kumain ang bawat miyembro ng pamilya upang magampanan nang wasto ang responsibilidad ng bawat isa.
Ang aking tatay ay “cool” na tatay. Tatlo kaming babae kaya ang impresyon ng ibang tao ay “mahigpit” siyang tatay. Ang katotohanan: Siya ay “maluwag” na tatay. Maluwag siyang pumapayag na pumunta kami sa party kapag ipinagpaalam kami ng mga kaibigan naming boys sa kanya. Maluwag na nakakabisita ang mga binata sa aming bahay. Maluwag kaming nakakapagkuwento sa kanya ng aming lovelife. Katwiran niya, paano kami magiging “wise” sa pagkilatis ng lalaking pagkakatiwalaan namin kung kokontrolin niya ang aming social life.
Noon ay nahihiya kaming lumabas ng bahay nang naka-shorts. Pero siya pa ang nag-encourage sa amin na wala dapat kaming ikahiya dahil magaganda naman ang legs namin. Aba, simula noon, feeling ko’y pang-Miss Universe ang binti ko. Dagdag self-confidence tuloy.
Siguro nga ay nagbunga ang pagiging “cool” ng aking tatay dahil walang lalaking “nakaisa” sa amin. Kahit uso na sa aming panahon ang pagpapakasal nang may “downpayment” meaning, “may laman na ang tiyan”, kaming tatlong magkakapatid ay hindi naranasan ang ganoong sitwasyon. Nanatiling “dalaga”, literally, ang kanyang mga anak na dalaga hanggang sa araw ng kanilang kasal.
“It is easier for a father to have children than for children to have a real father.” Pope John XXIII